BUHAY KO, IPUSTA MO!

0

HINDI naging kalugod-lugod para sa hanay ng healthcare workers ang patuloy na pagbale­wala ng administrasyong Duterte sa panawagang pagbabago sa kagawarang butbot ng bulilyaso at katiwalian.

Sa sobrang pagkadismaya, ang mga doktor at nars na direktang sumasagupa sa pandemya habang nilulustay ng mga taong gobyerno ang kaban ng bayan, nagdeklara na ng isang malawakang panawagan laban sa pag-abuso at katiwalian.

Sa inilunsad na Indignation at Call to Action laban sa katiwalian, giit ng iba’t ibang grupo ng mga propesyonal sa larangan ng kalusugan – taympers muna sa nakawan.

Bagama’t hindi na bago ang paghihimagsik kontra korapsyon ng mga Pilipino, kakaibang laban ang matutunghayan dahil sa unang pagkakataon, pati ang mga doktor at nars nais nang makigulo. Ang kanilang puting unipormeng sukdulan sa kalinisan, isasabak na rin sa maruming lansangan.

Ang sektor na dating ayaw sumali, bubungad na sa harapan ng mga rally. Tama na! Sobra na ang sigaw nila sa pumupusturang hari. Dangan naman kasi, buhay ng mga Pilipino ang inilalagay sa kompromiso. Ang pondong pansagip buhay, hayun kabi-kabila ang paglulustay.

Tulad ng dati, deadma lang ang Pangulo sa panawagang sibakin ang mga itinalaga sa pwesto. Sukdulang awayin pati ang mga mambabatas sa Kongreso makaraang anomalya sa gobyerno ay isa-isang nabisto.

Para sa mga doktor, ang trabaho nila’y manggamot at tiyakin ang kalusugan ng bayan – kesehodang sino pa ang nakaupo sa Palasyo.

Pero sa pananalasa ng pandemya, tila sinabotahe ang hanay nila. Pinagod, pinuyat, inilagay sa peligro ng nakahahawang sakit, inalipusta, pinagdudahan at ang masakit – pati kanilang pinagpaguran ay ‘di pa binabayaran.

Marami na ang pumanaw sa hanay ng healthcare workers sa gitna ng giyera kontra pandemya. Mga nahawaan sa pagtupad sa tungkuling sinumpaan. Ang sagot ng gobyerno, may perang inilaan sa kanilang mga naulila.

Marami na rin ang sumuko at nagpasyang magbitiw sa kawalang malasakit ng namumunong baliw.

Bakit kailangan pang pumanaw ang mga doktor at nars para makuha ang kanilang pinaghirapan?

Sa patuloy na pagbabalewala sa kanilang panawagan, hindi malayong maubos ang mga nagtataguyod ng ating kalusugan at direktang sumasagupa sa nakamamatay na karamdaman. At pag nagkataon, sino na ang hahalili sa kanilang trabahong iiwan?

Simple lang naman ang kanilang kahilingan, ang linisin ang kagawaran at sibakin ang mga sangkot sa katiwalian.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment