KAMAKAILAN ay lumabas sa mga balita na may dalawang true-to-life story ng mga bayani ang gagampanan ng ating “Pambansang Kamao” na si Sen. Manny Pacquiao. Ang una ay ang ginawang biopic para sa ating magiting na bayani na si General Miguel Malvar at ang isa naman ay ang Hollywood biopic ni Col. Macario Peralta na itinuturing na bayani noong World War II.
Gaya ng tipikal na Pinoy, may mga kababayan tayong bumabatikos kay Sen. Pacquiao dahil sa kanyang pagganap sa ating mga pinagpipitagang mga bayani. Pumapalag din ang mga kamag-anak nitong sina Malvar at Peralta.
Bagama’t may mga lumabas na ring mga pelikula si Sen. Pacquiao, totoo naman na iba pa rin talaga ang bitaw ng mga tunay at bihasang mga aktor. Pero sa kabilang banda, napakarami namang mga aktor at aktres na pawang mga pretty faces lang naman at talo pa sila ni Sen. Pacquiao pagdating sa acting.
In short, huwag maging bitter kung si Sen. Pacquiao ang napili ng mga producer bilang lead role sa mga naturang pelikula. Siya ang gusto ng mga producer at hindi ang mga taong tingin niyo ay mas karapat-dapat kay Sen. Pacquiao.
Hindi rin maaaring isangkalan na kailangan pa ng mga producer ang pahintulot ng buong angkan para sa isang biopic kung ang kanilang talambuhay ay maituturing nang public domain. Obviously, ang kasaysayan nina Gen. Malvar at Col. Peralta ay pawang mga public knowledge na at matagal na ring pinag-aaralan sa ating History classes kaya’t maituturing na itong public domain.
Hindi rin makatwiran na sabihing hindi bagay si Sen. Pacquiao sa papel na Gen. Malvar at Col. Peralta dahil lamang hindi kayo sang-ayon sa kanyang paniniwala sa ilang usaping pambayan. Tandaan ninyo na kung tutuusin ay quota na si Sen. Pacquiao pagdating sa kanyang mga naimbag na kabutihan para sa bayan.
Sadya nga yatang napakadaling makalimot ng ating mga kababayan lalo na kapag ang isang tao ay gumawa ng isang kabutihan. For so many years, binigyan tayo ni Sen. Pacquiao ng hindi matutumbasang karangalan dahil sa kanyang pakikipagbasagan ng mukha. Binigyan tayo ni Sen. Pacquiao ng tinatawag na national pride.
Kung ako ang tatanungin, maituturing kong si Sen. Pacquiao is a national hero in his own right. Isa siyang buhay na bayani dahil sa mga karangalan na kanyang ibinigay para sa sambayanan.
Sana lang ay huwag naman natin itong kalimutan. (Bagwis / GIL BUGAOISAN)
175