BUHAY O HANAPBUHAY PRO HAC VICE

PRO HAC VICE

NAPAKAHIRAP talaga ng situwasyon natin ngayon mga ka-SAKSI at mga kabalat.

Dahil hindi natin alam na sa pagbabago ng enhanced community quarantine (ECQ) tungo sa general community ­quarantine (GCQ) sa National Capital Region (NCR) ay makababalik na tayo sa ating hanapbuhay subalit malalagay naman tayo sa kapahamakan.

Hindi kasi naging ganoon kadali ang situwasyon partikular na doon sa mga ka-SAKSI natin na walang sariling sasakyan, dahil sa halip na ­hanapbuhay ang intensyon nila paglabas ng bahay ay parang kapahamakan pa ang kanilang masusumpungan.

Sa hirap kasing makasakay ng pampublikong sasakyan noong June 1, Lunes, ay ma­rami sa ating mga kababayan ang naglakad na lamang para makapasok sa kanilang trabaho na ‘di alintana na maaaring sila ay tamaan ng heat stroke dahil sa tindi ng init ng araw habang binabagtas ang kalsada o daan basta’t makapagtrabahong muli.

Mayroon na ngang nawalan ng malay sa Commonwealth A­venue sa Quezon City, na isang senior citizen, dahil sa sobrang init at tagal nang paghihintay ng masasakyan. Ang iba ay umuwi na lamang at ang mga talagang nais na makapasok para sa kanilang ikabubuhay ang matiyagang naghintay nang masasakyan bagaman huli na rin sa pagpasok.

Napag-aralan ba talagang mabuti ng gobyerno ang maaa­ring mangyari sa unang araw ng GCQ sa NCR?

Bakit parang kulang na kulang ang ayuda sa ating mga nagbabalik sa trabahong mga manggagawang kababayan?

Kasi kung napaghandaan ng pamahalaan ang lahat, disin sana’y hindi ganoon kahirap para sa ating mga kababayan ang makapagbiyahe patungo sa kanilang mga trabaho.

Alam naman ng pamahalaan na suspendido pa ang ilang pampublikong sasakyan upang makabalik sa kalsada at higit sa lahat ay mayroong ipinapatupad na physical distancing kaya ilan lang ang maaaring maisakay ng mga pampublikong sasakyan na sana’y siyang nabigyang a­tensyon ng pamahalaan.

Mayroon ngang libreng sakay na ibinigay ang pamahalaan subalit hindi naging sapat ang mga ito.

At dahil sa kulang ang mga masasakyang libre at pampublikong sasakyan ay hindi na rin nasusunod ang physical distancing na nais ng pamahalaan na maobserbahan sa mga abangan ng sasakyan dahil nga nag-uunahan na ang ating mga kababayang manggagawa na makasakay kaagad sa mga ­dumarating na mga pampublikong sasakyan kaya nagkakadikit- dikit na sila na ‘di malayong magkahawaan, kung ang iba po sa kanila ay mayroong tinataglay na kinatatakutan o nakakamatay na coronavirus disease 2019.

Ang nakatatakot nga nito ay ang sinasabi ni Pangulong Mayor Rody Duterte na ‘second wave’ ng COVID-19, dahil sa wala na umanong pondo pa ang pamahalaan upang maayudahan o matulungan tayong mga mamayan, sakaling dumating ang kinatatakutan pangalawang atake ng pandemya.

Kaya’t sana po sa a­ting mga ka-SAKSI sa buong bansa, magtulungan na lamang tayo at makiisa sa panawagan ng gobyerno na magdobleng ingat upang huwag na tayong magkahawahan pa ng ­nakakapaminsala ng buhay na COVID-19.

60

Related posts

Leave a Comment