BUSINANG PUPUGAK-PUGAK

CLICKBAIT NI JO BARLIZO

LUMARGA na ang tigil-pasada nitong Lunes at bagaman hindi talaga naparalisa ang mga lansangan ay may ilang commuters pa rin ang nahirapang sumakay.

Malaking tulong ang paghahanda ng mga LGU sa Metro Manila para mabigyan ng masasakyan ang kanilang constituents na obligadong mag-report sa kani-kanilang trabaho sa gitna ng pupugak-pugak na sitwasyon ng transportasyon.

May ilang grupo at transport authorities ang binabatikos ang tigil-pasada.

Pero walang maitutulong ang mga batikos sa kalagayan ng mga tsuper, operators at commuters na pare-parehong nasasaktan sa tigil-pasada.

Kailangan ang masusing paghimay sa PUV modernization upang masigurong pabor ito sa lahat ng stakeholders.

Hindi dapat maikahon lang sa layunin na mawala ang boundary system, maayos ang work schedule, at ang dagdag na mechanics, dispatchers, at presensya ng administrative staff ang PUV modernization.

Kailangan silipin ang sitwasyon ng mga tsuper at operator na papasan sa napakamahal na modernong jeepney. Ano’ng silbi ng magarang sasakyan kung baon sa utang ang tsuper nito.

Para lang ‘yang empleyadong nagbibihis ng magara pero kumakalam ang sikmura. Sa bandang huli, pipiliin niyang umalis at maghanap nang mas maayos na pagkakakitaan.

Delikadong iasa sa tsuper na magulo ang pag-iisip dahil sa pagkakautang at gutom, ang buhay ng mga pasahero nito.

Sang-ayon ako na hindi solusyon ang welga sa mga problema ng mga drayber at operator, ngunit ang pag-aaklas ay gumigising sa utak at konsensya ng mga nasa itaas na gumawa ng hakbang tungo sa tamang solusyon.

Kung seryoso ang gobyerno na mabigyan ang publiko ng serbisyong totoo sa transportasyon ay suriin nito ang implikasyon at epekto ng isinusulong na PUV modernization na hindi isasakripisyo ang kabuhayan ng mga drayber at komyuter, ang takbo ng araw-araw na galaw ng sosyedad.

Kasama ng pag-unlad ang modernisasyon ngunit, hindi nangangahulugang ipilit ang hindi pa handang ikasa.

Masasabi ba na tulong ng pamahalaan ang pautang na hindi kakayanin ng ordinaryong drayber para makakuha ng modernong jeep? ‘Pag pautang, me interest, ‘di ba? Kaya lalaki ang utang na ilang taong babayaran.

Kung hindi kaya ng ordinaryong drayber, eh papasok na ang mga kapitalista. Hindi mawawala ang boundary na isa sa mga nais walisin ng modernisasyon ng PUV. Nangangahulugan na tinalo rin ng adhikain ang tunay na layunin.

Ang modernisasyon ay maganda, ngunit kung pabor ito sa mga banyagang tagagawa ay tuluyang mababaon sa wala ang mga lokal na bumubuo ng sasakyan.

Maayos na serbisyo ang hinahangad ng mamamayan. Hindi matatawag na maunlad ang bansa kung ang karamihan ay “laspag” sa ruta ng transportasyon. Ang modernisasyon ng PUV ay hahatak din sa bulsa ng mga komyuter. Syempre, taas-singil sa pamasahe ang modernong bersyon nito.

126

Related posts

Leave a Comment