OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO
NOONG panahon ng kampanya para sa pampanguluhang halalan nitong 2022 ay kabi-kabila ang paninira ng mga kritiko ni Pangulong Bongbong Marcos hinggil sa umano’y malamang na hindi siya kikilalanin ng international community partikular ng Estados Unidos, sa sandaling magwagi siya sa eleksyon.
Pinaputok pa nila na hindi raw siya makapupunta sa US dahil daw sa mga kaso na kinahaharap niya kaugnay ng mga bintang na tagong yaman ng kanilang pamilya, na alam naman ng lahat na walang katotohanan.
Dahil nga sa sobrang paninira nila sa kanya ay ginamit pa nila ang isyu bilang pananakot at panlilinlang sa mga botante upang mapigilang siya ang maihalal bilang pangulo.
Pero nasupalpal ang mga mokong na detractors dahil nga taliwas sa gusto nilang mangyari ay tila sinampal sila matapos ihalal ng mahigit 31 milyong Pilipino bilang pangulo si PBBM noong Mayo 9.
Sa totoo lang ay lumikha ng kasaysayan ang panalo ni PBBM sapagkat ito ang kauna-kaunahang pagkakataon na ang isang pangulo ay nagtala ng pinakamalaking majority win sa kasaysayan sa panahon ng multi-party system sa bansa.
Fast forward sa kasalukuyan, gaya ng alam na ng lahat ay galling sa New York si PBBM kung saan ay dumalo siya sa 77th United Nations General Assembly at doon ay nagsalita siya sa harap ng mga kapwa niya lider ng iba’t ibang mga bansa.
Sa kanyang speech, ibinida niya ang mga plano at programa ng kanyang pamahalaan para maging makabuluhang kasapi ng UN.
At gayon din naman ay nanawagan siya sa kanyang kapwa mga lider para sa pagpapanatili ng kapayapaan at pangangalaga sa kapaligiran at paglaban sa bantang panganib ng climate change.
Sa galing nga ng kanyang talumpati at ganda ng kanyang delivery ay napaisip ako na buti na lang siya ang pangulo natin, dahil kung iyong isang bopols ang nanalo ay tiyak na pinagtatawanan na tayo ngayon ng buong mundo, sapagkat tiyak pamali-mali at paulit-ulit na walang saysay ang sinasabi. Ha-ha!
Bukod sa napakagandang performance ni PBBM sa UNGA ay nagkaroon din siya ng pagkakataon na makausap ang ibang mga makapangyarihang lider tulad nina Japanese Prime Minister Fumio Kishida at US President Joe Biden.
At iyon ang pinakamasakit na sampal sa mga kumag na kritiko ni PBBM, dahil nga ang ipinanakot nila dati pa ay hinding-hindi siya makapupunta sa US.
Pero kabaliktaran ang nangyari sapagkat hindi lang nakapunta si PBBM sa US, kundi nag-usap pa sila nang personal ni Biden at napagkasunduan nilang dalawa na lalo pang pagtibayin ang ugnayan ng US at Pilipinas.
Ang mas matindi pa, sa dami ng mga ibang lider na gustong makausap si Biden ay si PBBM lang ang pinagbigyan niya na nagpapatunay na kinikilala nito ang kakayahan niyang pamunuan ang bansa.
Kaya nga dahil sa nangyaring ito ay supalpal na naman ang mga kumag at wala silang magagawa kundi magngangawa at umiyak. Haha!
Move on kasi dapat sila at tanggapin na ang katotohanan na mulat na ang mga tao at tapos na ang panahon ng panloloko ng mga elitistang dilawan!
117