CAAP DIRECTOR TINIRA NG DATING KASAMAHAN SA DOTr

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

KUNG sa tingin ninyo ay tapos na ang isyu ng pagkasira ng kagamitan sa Ninoy Aquino International Airport noong bagong taon na nakaperwisyo sa libo-libong pasahero ay nagkakamali kayo.

Dahil kahit na bumabalik na sa normal ang operasyon ng paliparan ay mukhang may mas malalim na dahilan ang mga pangyayari na kinakailangan ng mas malalim na imbestigasyon.

Katulad ng mga naiulat, ang dahilan ng pagkaantala ng flights ay ang pagkasira ng Uninterruptible Power ­Supply (UPS) na nagsusuplay ng kuryente sa kagamitan na ginagamit ng Air Traffic Management Center ng Civil Aviations Authority of the ­Philippine (CAAP).

Ang Air Traffic Management Center ng CAAP ang nagdidirekta sa paglipad at paglapag ng mga eroplano sa NAIA at kamakailan lamang ay muling inulit ni CAAP Director General Manuel Tamayo ang panawagan na kinakailangan na naman daw palitan ang kagamitan ng Air Traffic Management Center.

Dahil kumpara raw sa ginagamit ng ibang bansa sa pagmamando ng air traffic ay atrasado na ng sampung taon ang ginagamit sa NAIA. Kahit pa masasabing bago pa ito dahil ito ay pinasinayaan noon lang 2018.

Ang Communications Navigation and ­Surveillance Systems for Air Traffic ­Management (CNS/ATM) ay nabili pa raw noong 2010 sa pamamagitan ng P10.6 billion loan mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA) pero ang nakapagtataka ay naikabit lang ito noong pag-upo sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Pinasaringan naman ni dating DOTr undersecretary for administration services Ochie Tuazon ang mga ­opisyales ng DOTr ngayon, sinabi nito na hindi raw na-maintain nang maayos ang UPS kaya hindi ito gumana at nasira. Sinabi pa ng dating kalihim na mukhang sinisisi raw ni CAAP Director Tamayo ang sarili nito dahil naging parte rin ito ng ahensya bilang usec ng Aviation noong panahon ni PRRD.

Wala raw problema ang kagamitan noong iniwan nila ito pagkatapos ng termino ni Pangulong Duterte at bilang katunayan na hindi “outdated” o luma ang system, sinabi nito na nadagdagan pa raw ang flights papasok at palabas ng bansa gamit ito. Hindi ang system ang may problema kundi ang UPS, sabi ng dating kalihim.

Samantala, mukhang ­itutuloy pa rin ng Department of Transportation ang upgrade ng Air Traffic Management ng CAAP at naglaan na ng P120 milyon ang ahensya para rito.

Kagamitan na maikukonsiderang bago pa lang at gumagana naman bakit kinakailangan nang palitan? Sino kaya ang makikinabang?

98

Related posts

Leave a Comment