KAPE AT BRANDY ni Sonny T. Mallari
BATAY sa huling ulat, pito ang namatay sa hagupit ni Super Typhoon Pepito sa kanyang dinaanang ruta. Miyembro ng isang pamilya na natabunan ang bahay sa landslide na naganap sa bayan ng Ambaguio sa Nueva Vizcaya sa kasagsagan ng bagyo.
Sana, huwag nang madagdagan ang bilang ng pamilyang luluha ngayong kapaskuhan dahil may natepok silang mahal sa buhay resulta ng magkakasunod na mga bagyo na bumayo sa bansa.
Wala pang inilalabas na datos ang gobyerno kung ilang bilyong piso ang halaga ng napinsala ni Pepito – sa larangan ng agrikultura, pribadong ari-arian at imprastraktura ng estado.
Taon-taon ay pangkaraniwang pumapasok sa bansa ang 20 tropical cyclones. Nagsimula sila bilang Tropical Depression hanggang sa sumapit sa lebel na Super Typhoon, ang pinamalakas sa limang kategorya na sinusunod ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration o Pagasa.
Simula kay Typhoon Aghon hanggang kay Super Typhoon Pepito ay 16 na tropical cyclones ang tumama na sa Pilipinas ngayong 2024. At batay sa record ng gobyerno, umaabot na sa P150 billion ang kabuuang pinsala.
Sa patuloy na lumalalang kahirapan sa bansa kahit na ano pang mga positibong datos ang ikalat ng mga propagandista ng pamahalaan at sa patuloy na paglubog sa utang ng Pilipinas, isang mabigat na pasanin ang mga pinsalang ito sa pondo ng gobyerno na walang habas na tinatarget pa rin ng mga korap.
Bantayan natin ang salapi ng taong-bayan. Maging mapanuri tayo sa paggastos sa bawat sentimo lalo na ngayong kabi-kabila ang deklarasyon ng “state of calamity” sa mga bayan at probinsya na tinamaan ng mga bagyo.
Huwag nating pahintulutan na ang “calamity fund” ay maging “calamity dugas” ng manderekwat na mga opisyal ng gobyerno.
##########
May panawagan ang Malakanyang na huwag magsagawa ng mararangyang okasyon ngayong darating na Pasko at bagkus ay ipagkaloob na lang sa mga biktima ng bagyo ang gagamiting pera bilang tulong sa kanila. Makabuluhan ang hiling ng Palasyo.
Subali’t ang mas dapat na tumbukin nila sa panawagan ay ang malalaking kumpanya ng negosyo sa bansa gayundin ang mga nasa itaas ng tatsulok ng lipunan dahil sila ang may umaapaw na kayamanan. Huwag na ang mga politikong kandidato at tiyak na eepal lang ang mga ito.
Ang isa pang wastong hakbang na dapat gawin ng Malakanyang at kaukulang ahensya ng gobyerno ay tiyakin na ang “calamity fund” ay talagang gagamitin para tulungan ang mga biktima ng kalamidad at hindi ibubulsa lang ng dorobong mga opisyal ng pamahalaan.
Ang mabilis na deklarasyon ng “state of calamity” ay isang awtomatik na praktika ng mga korap sa gobyerno upang makapagnakaw dahil maluwag ang regulasyon sa pagggamit ng pondong ito.
Sa totoo lang, gustuhin man ng maraming ordinaryong Pilipino na tumulong sa mga biktima ng bagyo, hindi rin nila magagawa dahil sila man ay naghihirap din.
##########
Sa lalawigan ng Quezon, hinahangaan ko ang ipinamalas na dedikasyon ni Governor Angelina “Doktora Helen” Tan sa pangangalaga sa kanyang mga kalalawigan upang tiyakin ang kanilang kaligtasan laban kay Pepito.
Agad niyang iniutos ang “pre-emptive evacuation” sa mga residente na naninirahan sa mga delikadong lugar upang pumunta na sila sa mga evacuation centers. Sinabihan niya ang mga nagsilikas na huwag munang uuwi sa kanilang mga tahanan hanggang walang pahintulot ang mga awtoridad para matiyak ang kanilang kaligtasan.
May nakahanda nang pagkain at iba pang basehang pangangailangan ang mga nagsilikas sa kanilang pananatili sa evacuation centers.
At sa buong panahong nakaamba si Pepito sa lalawigan batay sa pahayag ng Pagasa, ang unang babaeng gobernadora sa lalawigan ay nanatili nang 24 oras sa operation center ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa ginagawang pagsubaybay sa bawat galaw at lokasyon ng bagyo. Halos hindi na natulog kasama ang ibang mga opisyal ng pamahalaan sa ginawa nilang monitoring.
Matapos ang paghagupit ni Pepito na tumama sa mga islang bayan ng lalawigan sa Pacific Ocean, agad na binisita ni Gov. Tan noong Lunes ang pinakamalayong isla ng Jomalig at mga bayan sa katabing isla ng Polillo sakay ng helicopter ng militar.
Dala-dala ng grupo ni Tan at DSWD ang relief packs na pantulong sa mga biktima ng bagyo sa nasabing mga isla.
Sa mahabang panahon ko bilang mamamahayag, naging praktika ko ang maging maingat sa pagpuri sa mga opisyales ng gobyerno upang maiwasan ang intriga.
Pero sa namalas ko kay Gov. Tan, ini-etse-puwera ko muna ang aking nakasanayan.
Sana, ang lahat ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ay katulad ng gobernadora ng lalawigan ng Quezon. Ipinagmamalaki kong isa akong Quezonian.
53