CHINA, KUNG NAGING RESPONSABLE LANG SANA

DPA

Noong ilabas ng Philippine Statistic Authority (PSA) ang kanilang report na umabot na sa ‘double digit’ (17.7%) ang unemployment rate na epekto ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) at umaabot na sa P1.2 trilyon ang nawala sa gobyerno, gustong kong sigawan at sabihin sa China: “tingnan n’yo ang ginawa n’yo sa Pilipinas!”

Kung naging responsable lang sana ang China, hindi natin pagdadaanan ang pandemya sa COVID-19 at hindi mawawalan ng trabaho ang may 5 milyong Filipino sa isang iglap lang sa loob ng dawalang buwan.

Mas darami pa ang mawawalan ng trabaho sa mga susunod na buwan kapag hindi pa rin magiging normal ang negosyo, lalo na ang mga micro, small and medium enterprises. Hindi kasama ang overseas Filipino workers (OFWs) na nawalan at mawawalan nang pinagkakakitaan.

Kung naging responsable lang sana ang China, hindi babagsak ang ekonomiya ng mga bansa sa mundo, hindi natigil ang negosyo, hindi nakulong ng ilang buwan sa kanilang bahay ang mga tao.

Kung naging responsable lang sana ang China, hindi nagkaroon ng COVID-19 ang may 6, 983, 735 katao sa 123 bansa sa mundo at hindi namatay ang 402, 283 katao sa mga bansang ito (base sa June 7, 2020 report).

Kaso, hindi nga naging responsable ang China kaya nangyari ang lahat ng ito. Ito ang dahilan kaya hindi ko masisisi si United State (US) President Donald Trump na isisi ito sa ‘communist country’ na aniya’y ‘mass worldwide killings’ na ito.

Anumang propagandang ginagawa ng China, sila ang sinisisi sa pandemyang ito dahil itinago nila ang impormasyon sa COVID-19 sa buong mundo. Nobyembre 2019 pa lamang, alam na nila ang problemang ito pero hinayaan nila ang kanilang mamamayan mula sa Wuhan, kung saan nagsimula ang virus, na umalis at pumunta sa ibang bansa dahilan upang magkapasa-pasa ang sakit.

Eksperto ang China sa pagpigil sa pagpapalabas ng impormasyon dahil sa kanilang komunistang sistema nang pamamahala sa kanilang bansa kaya ngayon nagdurusa ang mamamayan. Kahit sana komunista ang kanilang sistema kung talagang may pakialam ang bansang ito sa ibang nasyon, Dapat ay pinigilan nila ang mga taga-Wuhan na umalis patungo sa ibang bansa.

Taga-Wuhan ang unang kaso ng COVID-19 at unang namatay sa virus na ito sa Pilipinas, indikasyon na kahit may pandemya na sa kanilang lugar ay pinayagan pa rin silang umalis sa kanilang bansa.

Hindi ba kayo nagtataka, bakit sa Wuhan lang may maraming kaso sa China pero sa ibang siyudad at probinsya ng bansang ito tulad ng Beijing ay wala tayong narinig na kaso ng COVID-19?

Maliban lang siguro kung itinago ng China ang imporasyon sa COVID-19 case sa kanilang ‘country capital’ dahil alam na alam naman ng mundo na kinokontrol at sine-sensor ng gobyerno nila ang lahat ng impormasyong ilalabas ng Chinese media, kaya wala tayong naririnig na covid-case sa Beijing.

Pero kung talagang walang kaso sa Beijing at iba pang lugar sa China, hindi kaya isinara nila ito sa mga taga-Wuhan upang hindi makapasok ang virus sa sentro ng kanilang bansa?

Puwedeng hindi nila pinayagang pumunta sa Beijing ang mga taga-Wuhan noong Nobyembre 2019 pa lamang pero pinayagan nilang umalis ang mga taga-Wuhan patungo sa ibang bansa tulad ng Pilipinas.

Ang epekto, nag-export ang China ng COVID-19 na pinagdudusahan ngayon ng mga bansa lalo na ang mga third world countries tulad ng Pilipinas pero ang China, kapag nagba-black propaganda, tinatawag nilang imported case kapag mayroon silang kababayan na umuwing positibo sa COVID-19. Galing ano? Ginagago nila ang mundo!

58

Related posts

Leave a Comment