CHINA NANGGAGO NA NAMAN

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

WALANG ipinagkaiba sa siga sa kanto ang China na mahilig maghamon at nagsisimula ng gulo at kapag nahuli ay ­itinatanggi ang kanyang ginawa at palalabasin na sinungaling ang nag-aakusa sa kanya.

At ang kapansin-pansin pa, kung kailan may bisita tayong lider ng Amerika na si US Vice President Kamala Harris ay saka nagsisimula ng gulo na tila ba naghahamon tulad ng sapilitang pang-aagaw sa debris ng ­kanilang rocket na nakita at ­hinihila ng ­Philippine Navy sa Pag-Asa Island noong November 20.

Wala itong ipinagkaiba sa kanilang pagmamarakulyo noong bumisita ang Speaker ng US ­Congress na si Nancy Pelosi sa Taiwan na pinaligiran nila ang bansang ito dahil tutol sila na ­bumisita ang isang US officials ­dahil pag-aari raw nila ang islang ito.

Panggagago ang ginawa ng Chinese Coast Guard sa ating puwersa sa loob ng ating territorial waters na hindi dapat palagpasin ng gobyerno dahil kung papalagpasin ‘yan ay lalo nila tayong gagaguhin.

Mukhang nasanay ang China noong panahon ni ­dating Pangulong Rodrigo Duterte na kahit anong gawin nilang kagaguhan sa West Philippine Sea (WPS) ay walang aksyon ang gobyerno kaya tuloy-tuloy lang sila dahil tahimik naman ang (dating) presidente natin, eh.

Akala siguro ng China, presidente pa ng Pilipinas si Digong kaya tuloy-tuloy ang kanilang pangha-harass sa ­ating Navy tulad ng sapilitan nilang ­pang-agaw sa debris ng kanilang rocket.

Saka bakit nagkaroon ng ­debris ng rocket ng China sa WPS? Ibig bang sabihin, nagpa-firing test sila ng kanilang ­missiles sa loob ng ating ­teritoryo at ­inaangkin na nila ito nang tuluyan?

Pero sana, totohanin naman ng Amerika ang kanilang ­pangako na ipagtatanggol ang ­Pilipinas ­kapag nagkaroon ng armed ­attack dahil nasa loob ng WPS ang mga puwersa ng China.

Alam natin na walang ipanlalaban ang Pilipinas sa puwersa ng China dahil mas ­sopistikado ang kanilang ­military hardware kumpara sa atin kaya kailangan natin ang tulong ng Amerika at iba pang bansa kapag inatake ang ating bansa.

Amerika at iba pang bansa, tanggapin na natin na kailangan natin sila. Tingnan n’yo ang Ukraine, kung walang tulong ang Amerika, ang iba pang bansa baka nasakop na sila nang tuluyan ng Russia.

Dapat ding maging leksyon sa China ang karanasan ng Russia na ang ­ipinagmamalaking pangalawang military might sa buong mundo ay unti-unting tinatalo ng Ukrainian Army.

Pero kung walang tulong ang Amerika at iba pang ­miyembro ng NATO o North Atlantic Treaty Organization, na nag-supply ng armas sa Ukraine, matagal nang tapos ang laban.

Ganyan din ang mangyayari kapag tayo ay inatake ng China kaya tanggapin na natin na kailangan natin ang mga totoong kaalyado natin. Hindi natin kayang mag-isa.

21

Related posts

Leave a Comment