CHINESE NAMAMAKYAW NA NG LUPAIN SA PINAS?

DPA

HINDI pa man naisasabatas ang panukalang payagang magkaroon ng 100 ‘percent ownership’ ang mga dayuhan sa Pilipinas sa negosyo at ari-Adrian ay may balitaan na kaagad tayo na namimili na ng lupain ang mga Chinese sa mga probinsya.

Sa impormasyong nakarating sa inyong DPA as in Deep Penetration Agent, maraming Chinese ang naghahanap ng mga lupang maaari nilang bilihin kahit wala pang kasiguraduhan kung maipapasa ang panukalang ito sa Kongreso.

Medyo nakababahala ang sitwasyon dahil mangangahulugan ito na tataas ang presyo ng mga lupa sa mga probinsya at ang dehado diyan ay ang mga kababayan nating gustong magkaroon ng lupang mapagtataniman.

Walang laban ang mga Filipino sa mga Chinese pagdating sa presyuhan ng lupa dahil mas marami silang pera kaya ang mga may-ari ng mga lupang target ay ibebenta sigurado sa mas mataas na presyo.

Hindi ko alam kung alam ng gobyerno natin ang nangyayaring ito sa mga probinsiya pero dapat silang mabahala dahil kapag nakontrol na ng mga dayuhan ang mga lupain sa ating bansa, para na rin tayong dayuhan sa sarili nating bayan.

Palagay ko kaya naghahanap ng mga lupang maaari nilang bilhin ang mga dayuhang ito ay bilang preperasyon sa pagkakaroon nila ng 100% ownership sa ating bansa kapag naipasa ang panukalang ito.

Kapag nangyari nga naman ay nakauna na sila.

Ngayon pa lamang ay namimili na sila sa pamamagitan ng kanilang mga ‘dummy’ kasi tiyak na tataas na ang halaga ng mga lupa sa Pilipinas kapag naipasa ang panukalang ito na nakabinbin ngayon sa dalawang kapulungan ng Kongreso.

Sabi ng mga pilosopong mga tao, huwag daw tayong matakot sa panukalang ito dahil hindi naman maiuuwi ng mga dayuhan sa kanilang bansa ang lupain na kanilang bibilihin.

Oo nga, hindi nila maiuuwi pero kapag nakontrol na nila ang mga lupain, may magagawa pa ba tayo kapag nakontrol na rin nilang ang pagkain natin na mula sa mga lupaing ito.

Hindi natin dapat kalimutan ang kasaysayan ng mga bansa sa Africa na lalong silang nalugmok sa kahirapan at nagutom habang hawak ng mga dayuhan ang kanilang mga lupain.

Hindi ba kaya maraming bansa sa Africa ang nag-aklas laban sa mga dayuhang kumontrol sa kanilang lupain dahil hindi nila napakinabangan ang mga inaani nila sapagkat tinatangay ng mga dayuhang ito para sa kanilang sariling bansa?

Mas lalong tayong maging kuwidaw sa mga nangyayaring ito dahil alam natin kung gaano kainteresado ang China sa ating bansa sapagkat alam nila na hindi pa nagagalaw ang kanilang natural resources.

Sabi ng mga impormante ko, ang mga Chinese na namimili ng lupain ay gustong umalis sa kanilang bansa dahil hindi nila matagalan ang sistema ng komunismo sa kanilang bansa.

Pero paano kung ang mga Chinese na ito ay pakawala naman ng China para pagdating ng araw ay hindi na sila mahihirapan masakop tayo sapagkat  hawak na ng kanilang mga mamamayan ang lupain sa ating bansa?

O, di nganga na nga tayo, mukha pa tayong tanga sa sarili nating bansa.

 

69

Related posts

Leave a Comment