NANANAGINIP NANG GISING

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

HINDI bumenta ang pagbibida kamakailan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kaunting hirit na lang at P20 na ang kada kilo ng bigas.

Marami ang pumalag, marami ang natawa at marami rin ang nagsabing nananaginip nang gising ang Pangulo.

Kasi naman, mismong ang Department of Agriculture na kanyang pinamumunuan ay aminado na marami pang dapat gawin para mapababa ang presyo ng bigas.

Nariyan ang tamang post-harvest facilities, irrigation, pagdaragdag ng rice production, pagbaba ng wastage, at kung ano-ano pa.

Naniniwala si DA Deputy Spokesperson Rex Estoperez na posibleng mapababa ang presyo ng bigas, ngunit may mga sirkumstansya at kondisyon na hindi maiiwasan.

Ang nakakatawa pa nito, pagkatapos ng anunsyo ng Pangulo ay tumaas pa ang presyo ng bigas sa mga pamilihan.

As of March 15, ang regular milled local rice ay nasa P33/kilo, ayon mismo sa DA price monitoring.

Nasa apat na piso ang itinaas sa kada kilo kaya lalong lumabo na matutupad na ng Pangulo ang pangako niya noong panahon ng kampanya.

Oo nga’t may nabibiling bigas na P25 kada kilo sa KADIWA, ngunit hanggang kailan magtatagal ang bentahan na binuhusan ng malaking subsidiya ng pamahalaan? Dahil kontrolado, katiting na porsyento ng populasyon ang maaaring makabili. Karamihan ay bumibili pa rin sa mga merkado.

Kawawa ang mga magsasaka na kakumpetensya ang pamahalaan. Pinapatay ng gobyerno ang industriya ng pagsasaka ng palay sa nangyayaring ito.

Kaya malamang, mga mamimili lang ang makinabang sakaling P20 na ang kilo ng bigas. Kaya naman ngumingiwi ang ilang grupo ng magsasaka.

Maging si Sinag President Rosendo So ay may pagdududa, sa palay pa lang kasi ay P23.50 na ang presyo habang nananatiling mas mataas ang farmgate price ng bigas sa ipinangakong presyo ni BBM.

Marami pa ang kailangang gawin para mapababa ang presyo ng bigas. Mukhang hindi pa makakamit.

Kailangan kasi ng konkretong basehan at mga hakbang para matikman na ng publiko ang resulta ng pangako. Hindi puro kwento.

Asal spoiled brat

Nakaiirita na ang mga paandar nitong si Sen. Robin Padilla. Para bang spoiled na batang kailangan laging pagbigyan sa kanyang gusto.

Sa tuwing may gusto siyang mangyari ay nagbabanta siyang magre-resign. Kamakalawa, magbibitiw na naman daw siya sa PDP-Laban kung hindi susuportahan ng kanyang mga kapartido ang Cha-cha.

Sana lang nagbabasa ng komento ng publiko sa social media si Sen. Padilla para malaman niya na marami ang naghihintay na magbitiw na nga siya.

Sa asal niya, hindi siya nararapat sa Senado. Bumalik na lang siya sa showbiz, doon pwede niyang gampanan ang anomang role na gusto niya. At pwede rin niyang ilabas ang pagiging maginoong bastos niya.

Hindi ba’t kinastigo na siya ng grupong Gabriela dahil tila pinagmalaki pa niya ang ‘pambababae’ niya?

Sa Kapihan sa Manila Bay forum noong Pebrero 22, ganito ang linyahan ni Padilla: Ako po’y mag-iingay kapag ang usapan dito’y napunta na sa pulitika. Eh Maniwala po kayo sa akin, hindi po ako kapit-tuko sa posisyon na ‘to. Araw-araw po na ginawa ng Diyos, wala po akong ibang gustong gawin kundi mag-resign.” “Wala po, as in hindi po ako makapag-chicks dito. Ang hirap, totoo po ‘yan.”

Sa totoo lang, sa mga pagbabanta ni Padilla ay marami ang kinakabahan at natatakot… baka raw kasi hindi niya ituloy.

256

Related posts

Leave a Comment