CLIMATE CHANGE

PANGALAWA ang Pilipinas sa mga bansa sa mundo na apektado ng Climate Change o pagbabago ng panahon na ang itinuturong dahilan ay ang industrialize countries tulad ng China at Amerika.

Ibig sabihin, ang Pinas kasama ang Japan (una sa listahan), Germany, Madagascar, India, Sri Lanka at Kenya ang nagdudusa habang ang industrialize ­countries ay patuloy ang ligaya.

Kawawa tayong maliliit na bansa dahil imbes na umangat tayo ay lalo tayong nalulugmok sa kahirapan at utang dahil sa laki ng epekto ng malalakas na bagyo na dumarating taon-taon at pa­lakas nang palakas ha.

Base sa mga record ng gobyerno, mula 2010 hanggang 2020 ang US$10 billion o katumbas ng P506.1 billion, higit kalahating trilyong piso, ang halaga ng imprastraktura at agrikultura ang sinira ng mga bagyo.

Napakalalaking halaga n’yan at para mabawi ‘yan ay kailangang mangutang ang gobyerno para itayong muli ang mga imprastrakturang nasira at tulungang makabangon ang mga magsasaka (hindi lahat natutulungan ha).

Malaki sana ang naitutulong ng halagang ito para lumago pa ang ekonomiya ng ating bansa pero nawawala lang dahil sa mga bagyo na dumarating sa ating bansa taon-taon.

Hindi pa kasama d’yan ang halaga ng mga ari-arian tulad ng bahay ng mga biktima ng bagyo na nagpapa­lugmok din sa mga karaniwang tao sa kahirapan. Inaayudahan naman sila ng gobyerno pero hindi 100% dahil ang ibinibigay lang sa kanila ilang pirasong yero at ilang kilong pako.

Wala yatang taon na hindi tayo nakaranas ng bagyo at sa atin pa tumama ang pinakamalakas na bagyo sa mundo… si Yolanda na nanalasa sa Region 7 at 8 noong 2013.

Bukod diyan, wala na yatang lugar sa Pinas ang ligtas sa malalakas na bagyo at palitan lang ang nangyayari dahil noong 2020 ang Luzon partikular na ang Region 2 at Bicol ang winasak ng bagyong Ulysses at ngayon naman sa Visayas at ­Mindanao nanalasa si Odette.

Kahit anong gawin ­nating paghahanda, kahit sumunod tayo sa dikta ng United Nations (UN) at mga environmentalist, mga ­scientist at kung sino-sinong mga eksperto, kung hindi babawasan ng industrialize countries ang ibinubugang kemikal na ­sumisira sa ozone layer ay hindi mareresolba ang ­problemang ito.

Pangunahin ang China sa mga nagbubuga ng mga kemikal na delikado at bumu­butas sa ozone layer… ang trichlorofluoromethane (CFC-11) na ginagamit sa home insulation. Phase out na ang produksyon nito sa mundo pero ang China ­gumagamit pa rin!

143

Related posts

Leave a Comment