CMG, BILANG NA ANG MALILIGAYANG ARAW – CUSTOMS

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

BILANG na ang maliligayang araw ng cargo consolidator na CMG, ayon mismo kay Bureau of Customs Director Michael Fermin.

Sa aming panayam sa aking programa na napapakinggan sa istasyong DZME 1530 khz, kay Dir. Fermin, napagkasunduan daw ng ahensya kasama na ang Department of Migrant Workers na pinangungunahan naman ni Sec. Susan “Toots”Ople, na gumawa ng mga hakbang upang maturuan ng leksyon ang mga negosyong gumagawa nito tulad ng CMG, ALL WIN at KABAYAN ISLAND EXPRESS CARGO.

At bukod sa pagsasampa ng kaso na gagawin ng Department of Migrant Workers laban sa CMG (dahil ito na lang ang aktibo sa tatlong kumpanya na nag-abandona ng mga kargamento), sisiguraduhin daw ng Bureau of Customs na maba-blacklist nang tuluyan ang CMG sa pamamagitan ng Philippines Shippers ­Bureau at ng ­Department of Trade and Industry .

Ayon kay Dir. Fermin, kapag naisama na sa blacklist ang CMG ay hindi na ito makakapagpadala pa sa bansa dahil ang mga kargamento nito ay tatanggihan nang isakay ng cargo ships.

Samantala, nagbigay naman ng katiyakan si Dir. Fermin na minamadali na ng BOC ang pagproproseso ng mga dokumento ng labing-walong All Win containers na kasalukuyan pa ring nakahimpil sa compound ng Manila International Container Port (MICP), ang ibig sabihin ay mas mapapaaga ang paglabas nito kaysa halos dalawang buwang proseso nito.

Ibinalita rin ng BOC Director na mayroon na silang inaayos na sistema upang maging posible na makuha ng mga tatanggap ng padala ang kanilang packages sa Bureau of Customs na mismo.

Dahil ‘yan daw ang direktiba ni BOC Commissioner Yogi Filemon Ruiz na ayusin ang mga problemang may kinalaman sa mga ­inabandonang padala ng ating mga kababayan mula sa ibang bansa.

Samantala, sa hiwalay na panayam naman kina DDCAP Pres. Joel Longares at Department of Migrant Workers Sec. Susan Ople, napag-usapan na ang pagbuo ng isang opisina na hahawak sa mga reklamo na may kinalaman sa mga isyu ng balikbayan boxes.

Ito raw ay maaaring mapasailalim sa opisina ng Department of Finance or Department of Trade and Industry pero hangga’t wala pang malinaw na direktiba sa proposal na ito, hahawakan na muna ng opisina ni Sec. Toots Ople ang mga problemang may kinalaman sa mga padala ng ating mga kababayan galing abroad.

***

Nais kong batiin ang bagong talagang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnel Ignacio.

Inanunsyo ni Pres. Spokesperson Atty. Trixie Angeles ang appointment ni Arnel sa posisyon at bago pa man nahirang sa pwesto si Ignacio ay Deputy Administrator na ito ng nasabing ahensya.

Marami ng natulungang OFWs ni Arnel Ignacio nung siya ay deputy palang ng OWWA.

Related posts

Leave a Comment