CONG. ARNIE TEVES NASA BANSANG CAMBODIA NA RAW

RAPIDO NI TULFO

BAKIT kaya ayaw pang umuwi ni Negros Oriental Cong. Arnulfo “Arnie” Teves gayung pinaninindigan nito na wala naman siyang kinalaman o ang kanyang pamilya sa pagkamatay ni Gov. Roel Degamo. Wala sa bansa si Teves nang mangyari ang pagbaril kay Degamo sa bahay mismo nito sa Negros. Ayon sa record ng House of Representatives umalis sa bansa si Teves noong February 28 upang magpagamot sa US.

Sa kanyang pahayag sa kanyang social media account, sinabi ng kongresista na wala naman silang mapapala kung ipapapatay nila si Degamo. Dahil hindi naman din mauupo ang kanyang kapatid na nakalaban ni Degamo noong nakaraang halalan sa pagka-gobernador.

Kinumpirma ni House Speaker Martin Romualdez na humiling si Teves ng karagdagang dalawang buwan na leave na agad naman nitong tinanggihan at pinayuhan na lang ang kapwa mambabatas na umuwi na lang at harapin ang ibinabatong mga isyu laban sa kanya.

Samantala, binigyan din ng 24 oras ng House Panel on Ethics and Privileges si Teves na magpakita sa komite bago ito patawan ng parusa o sanctions dahil sa patuloy na pagliban nito kahit nag-expire na ang kanyang official leave.

Natatakot daw umuwi si Cong.Teves dahil sa mga banta sa kanyang buhay matapos na mabaril at mapatay si Negros Oriental Degamo. Pero wala naman sigurong mananakit kay Cong.Teves lalo na’t alam na ng publiko na siya ang itinuturong nasa likod ng madugong krimen.

Mas makabubuting umuwi na lang si Cong. Teves at harapin ang kasong isinampa at isasampa sa kanya kaysa naman nagtatago siya sa malayong lugar. May kasabihang nga sa korte na “Flight is an indication of guilt”.

Sa kanyang post sa kanyang FB account, sinabi ng aking ama na si Ramon Tulfo Jr., na ayon sa kanyang sources, wala sa Amerika si Teves at ito raw ay lumipat na di-umano sa bansang Cambodia kung saan ito raw ay pinoproteksyonan ng isang drug lord sa naturang bansa.

Sumuko naman ang isa pa mga suspek na kasama sa mga pinaghahanap ng mga alagad ng batas. Ayon kay DOJ Sec. Remulla, tugma rin ang statement nito sa mga pahayag ng naunang mga suspek na nahuli sa follow-up operations ng mga awtoridad.

Dapat hindi ipaubaya ni Teves sa kanyang mga abogado ang pagsagot sa mga krimeng ibinibintang sa kanya.

302

Related posts

Leave a Comment