MAINIT na pinag-uusapan ngayon ang umano’y hindi nabayarang estate tax ng pamilya Marcos na kung ating titingnan ay isang malinaw na propaganda upang ang kandidatura ng presidential front runner na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay gibain ng ilang kulelat na presidential candidates.
Mahigit isang buwan na lamang at sasapit na ang araw ng paghuhukom ng mamamayang Pilipino upang iluklok ang karapat-dapat na susunod na lider ng bansa, at patunay na nagkaka-isa ang sambayanan sa naging mainit na pagtanggap nila kay BBM sa kabila ng kaliwa’t kanang paninira ng mga nagsanib-puwersang kalaban nito sa pulitika.
Malinaw na ang pagbatikos ni retired Chief Justice Antonio Carpio na kilalang tagasuporta ni Lenlen, ay isang paninira sa kampo ni BBM sa pahayag nito na ang 1997 SC decision umano ay final and executory na at dapat bayaran ng pamilya Marcos ang P203 Billion.
Ito’y isang legal na usapin pagdating sa mga eksperto sa batas, ngunit tila muling nililinlang ng mga dilawan at pinklawan ang katotohanan sa likod nito na tila ang babaeng may hawak na timbangan ng katarungan na may piring ang kanyang mga mata, ay napagsasamantalahan upang manaig ang kasinungalingan at maitago ang tunay na nangyari sa kasaysayan ng bansa.
Ang utang ay dapat bayaran, ngunit kung ang utang ay hindi maipaliwanag at walang maipakitang matibay na pruweba ang naniningil kung saan kinuha ang numero, ito ay kaduda-duda at sa batas ay mayroon tayong due process upang umapela ang kabilang panig kung makatarungan ba ang utos ng korte?
Isang halimbawa na lang ay ang isang ordinaryong mamamayan na umutang sa isang tindahan ng kanilang makakain ngunit sa pagdating ng panahon na ito’y hindi nabayaran dahil sa walang maipakitang listahan ng produktong inutang kung bakit umabot sa ganung numero, ito ba ay makatwirang bayaran?
Ayon sa kampo ni BBM, sa usapin sa Marcos estate tax, kasalukuyan pang nakapending sa korte ang kanilang apela at ang ibang ikinaso sa kanila ay na-dismiss na sa hukuman dahil sa kakulangan ng ebidensya at ang paglabas ng isyu sa panahon ng eleksyon ay isang malinaw na political harassment.
Kung pagmamasdan natin ang balita, ang P23 billion ay bakit nadagdagan ng P180 billion? Sinasabing karamihan dito ay penalties at surcharges kapag matagal na hindi ito nabayaran. Aba teka!!
Hindi ba’t ito’y isang malinaw na extortion sa mga Marcos? ‘Yan ang tinatawag na legal na extortion. Wala na bang karapatan ang pamilya Marcos na umapela sa korte kung saan kinuha ang numero at paanong lumaki ito?
Kung ang P23B ay nabuo sa ilalim ng pamahalaan ni Cory, Ramos at Noynoy Aquino, ito ay hindi makatwirang desisyon ng nakaraang pamahalaan na mula pa noon hanggang ngayon ay ginigipit ang pamilya Marcos.
(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
104