COURAGE UNDAUNTED: THE 5 RAMON MAGSAYSAY AWARDEES FOR 2019

MAGING WAIS KA

Ngayon ko lamang nasaksihan ang paggawad ng Ramon Magsaysay Award (RMA) sa loob ng 61 taon.

Nag-umpisa ang parangal na ito noong 1958 isang taon matapos masawi sa plane crash si Pangulong Ramon Magsaysay na nagsabing “Those who have less in life should have more in law”.

Ibinibigay ang RMA sa mga natatanging indibidwal na nagpabago sa komunidad at bansa sa pamamagitan ng kanilang kontribusyon sa kalikasan, agrikultura, human rights, usapin ng kalusugan at ekonomiya, kultura at ma­ging sa participative development hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong Asya.

Ngayong 2019, lima ang ginawaran ng award sa kanilang katapangan (courage undaunted) kasama ang maestro sa larangan ng musika na si Professor Ryan Pujante Cayabyab.

Binigyang diin ng Foundation ang mga awitin at komposisyon ni Cayabyab na sumasalamin sa buhay ng bawat Filipino saan man ito naroroon na may mensahe ng pag-asa, pagmamahal sa bansa at sa kulturang Pinoy.

Kahanga-hanga rin ang krusada ng negosyanteng Korean na si King Jong Ki. Iniwan ang kanyang trabaho matapos na mag-suicide ang kanyang binatang anak na lalaki dahil sa pambu-bully ng mga kaklase. Na­ging inspirasyon para kay King ang sinapit ng kanyang anak kung kaya’t kumilos siya upang ipabatid ang mensahe sa lokal na komunidad at pamahalaan na walang lugar ang violence at bullying sa lipunan.

Si Ko Swe Win ng Myan­mar na isang journalist ay nakaranas ng pag-aresto, torture, at paglabag sa karapatang pantao. Kinilala ang kanyang husay at tapang. Hindi kayang bilhin ng sinoman ang kanyang mga nasasaksihang iba’t ibang klaseng panggigipit at pang-aabuso ng mga nasa poder ng kapangyarihan.

Si Ravish Kumar ng India ang siyang tinaguriang most influential TV journalist. Ang kanyang programa sa te­lebisyon ang naging boses ng katotohanan, sa pagsasalarawan ng tunay  na kahirapan.

Si Angkhana Neelapaijit ng Thailand ang natatanging babae sa limang pinarangalan. Ang kanyang krusada ay ipagtanggol ang mga biktima ng violence, injustices, at conflict sa southern Thailand. Ipinagpatuloy ni Angkhana ang laban upang mabuksan ang reporma sa justice system at umandar ang demokrasya sa southern Thailand.

Halos iisa ang naging tema ng mga pananalita ng 5 Ramon Magsaysay laureates. Anila mas mayroong mga higit na karapat-dapat para bigyan ng parangal. May mga indibidwal na mas malaki ang kontribusyon sa bayan na mas handang magbuwis ng kanilang buhay.

Pero ito rin ang inasam-asam ni dating Pangulong Magsaysay na ipagpatuloy ng bawat mamamayan ang ganitong mga pagpupunyagi para sa ikabubuti ng nakararami. (Maging waIs Ka! / Mon A. Ilagan, MPM)

204

Related posts

Leave a Comment