AKO OFW ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP
DUMALO ako sa Commission on Appointments hearing upang ipakita ang aking pagsuporta para sa nakabinbin na confirmation ni Interim Secretary Hans Leo Cacdac.
Bagama’t hindi naman ako ang nakasalang ay damang-dama ko ang kaba at kabog ng aking dibdib habang naghihintay ng pagsisimula ng hearing.
Matapos na makumpleto ang mga miyembro ng Commission on Appointments ay nagsimula na ito sa pagbalangkas at pagbibigay ng pagkakataon sa mga miyembro nito na magbigay ng kanilang mensahe na karamihan ay puro pagsuporta sa approval ng appointment ni Secretary Hans Leo Cacdac.
Matapos ang halos 25 minutes ay tuluyan nang nagkasundo ang Commission on Appointments at pormal na nitong inaprubahan ang kumpirmasyon ni Sec. Hans Leo Cacdac bilang bagong kalihim ng Department of Migrant Workers.
Talagang napaluha ako sa kagalakan na mistulang nabunutan ng tinik ang aking dibdib matapos na marinig ang kumpirmasyon ni Sec. Hans.
Ngayon na ganap na siyang Kalihim, ay personal kong iminumungkahi na ipatupad ni Sec. Hans Cacdac, ang paglilinis ng departamento sa pamamagitan ng pag-obliga sa mga Director, Assistant Secretary at Undersecretary na magsumite ang mga ito ng kanilang courtesy resignation upang mabigyan ito ng pagkakataon na makapamili ng kanyang mga makakasama na tapat sa sector ng mga OFW.
May mga opisyal kasi na dating itinalaga ni dating Secretary Toots Ople ang talagang dapat nang mapalitan dahil hindi makapasa sa panlasa ng mga OFW.
Kamakailan kasi ay may ipinakalat na “white paper” o sulat na naglalaman ng kasiraan ng mga opisyal. Bagaman ang ilan doon ay hindi totoo, pero mabuti na mabusisi ni Sec. Hans kung kanino ito nagmula dahil ang balita natin ay isa itong “indirect” propaganda para ilaglag siya sa Commission on Appointments sa prinsipyo ng “command responsibility”.
Mas mabuti na unahin ni Sec. Hans Cacdac na linisin ang bakuran ng DMW para mas lalo nitong mapagbuti ang kanyang paglilingkod sa OFWs.
48