PUNA Ni Joel Amongo
MATAGUMPAY nga ang panawagan o apela ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos sa courtesy resignation ng full coronels at generals, pero malabong maresolba ang pagkakasangkot ng mga ito sa illegal drugs.
Sa isinagawang press conference ni Abalos kamakailan sa Palasyo ng Malakanyang, kasama ni Philippine National Police (PNP) chief, Gen. Rodolfo Azurin, Jr., lumalabas na mula sa 955 full coronels at generals, 12 nito ang hindi nag-file ng kanilang resignation.
Ang 5 ay retired na raw at ang 6 ay magreretiro na rin, kaya ngayon ay isa na lang ang hindi pa nagpa-file ng kanyang resignation.
Bagamat hindi naghain ng kanyang resignation, ang nag-iisa na hindi man lang matukoy ni Abalos kung ano ang kanyang ranggo, heneral o koronel, ay hindi rin nila mapilit ito.
Ayon pa sa kanya, no sanctions o anomang parusa na ipapataw sa kanya kahit hindi siya mag-file ng resignation.
Sa punto ito, ang paniwala ng ating mga tagasubaybay tila malabong maresolba ang problema sa pagkakasangkot ng matataas na mga opisyal ng PNP sa ilegal na droga.
Bakit kamo? Kamakailan base sa inilabas na listahan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ay 43 ang kanilang mino-monitor na miyembro ng pulisya na posibleng nasasangkot sa illegal na droga.
Ayon pa sa ating tagasubaybay, baka kalaunan ‘yung isa na hindi nagsumite ng resignation ay mawala pa at malinis ang kanyang pangalan sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.
Papaano naman daw ‘yung 5 na nagretiro na at magreretiro pa, hindi na ba sila bubusiin ng 5-man committee?
Isa pa sa kinuwestiyon ng ating tagasubaybay ay bakit pa raw isinama sa 5-man committee si PNP chief, Gen. Rodolfo Azurin, Jr., na isa rin sa mga kasama sa apela na courtesy resignation ni Abalos.
Bagamat hindi tinanggap ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang kanyang courtesy resignation ay hindi na dapat siya isinama sa 5-man committee para maging patas sa mga miyembro ng pulisya.
Kasabay ng prescon na ipinatawag ni Abalos ay binanggit niya ang 4-man committee lamang dahil ang isa ay ayaw daw magpabanggit ng kanyang pangalan.
Sila ay sina Baguio City Mayor Benjamin Magalong, PMAyer; PNP chief, Gen. Rodolfo Azurin, Jr., PMAyer; Gilbert Theodoro, at Ret. Major General Isagani Nerez, PMAyer din.
Dati nang umugong ang pangalan ni dating Senador Panfilo Lacson na isa sa magiging miyembro ng 5-committee.
Iisa ang pangarap ng lahat ng mga Pilipino na kahit anong oras ay ligtas tayong nakapaglalakad sa mga lansangan na wala tayong kinatatakutan na mapapahamak tayo.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
