COVID-19 PROBLEMA NA NG LAHAT

PUNA

KUNG mayroon mang apektado ng pandemia na COVID-19 na ito, hindi lang ang mga Chinese na pinagmulan nito subalit lahat kabilang na tayong mga nasa lahi ni Juan Dela Cruz.

Maging ang lahi ni Uncle Sam, maging ang tinatawag na Holy Land na kinalalagyan ng mga Israeli ay kasama sa pineperwisyo ng veerus (virus) na tinatawag na coronavirus.

At dahil walang kinikilalang kalagayan sa buhay, kasarian at edad ang COVID-19, walang nakaliligtas dito kung kaya ang tanging makalulutas ng problema ay tayo rin sapagkat hanggang ngayon ay wala pa ring natutuklasang panlaban sa kalabang hindi nakikita.

Kaya ang pinakamagandang gawin lalo na nating mga Filipino, pribado o publiko, ay magtulungan at magkaisa sa pagpapatupad ng mga dapat gawin upang masawata ang pagkalat nang mapaminsalang salot.

Maraming pinagdaanan hirap, sakuna, trahedya at kung anu-ano pang kalamidad ang ating bayang sinilangan subalit lahat ay nalampasan ng lahi ni Juan Dela Cruz dahil pawang matitibay at malalakas ang loob ng mga Filipino bukod pa sa malakas at malaki ang pananampalataya natin sa Panginoon.

Pero ang isa sa katangiang naging susi ng tagumpay nating mga Pinoy ay ang ating pagkakaisa.

Nagsasama-sama ang mga kababayan natin kapag alam nating nasa panganib ang bawat isa.

Kaya naman sa pangyayaring ito, marami sa atin ang makikita at mararamdaman ang malasakit sa kapwa tulad ng frontliners na handang ibuwis ang kanilang buhay para sa iba.

Ang mga may kakayahan namang magbigay ng suporta tulad ng salapi, bigas, pagkain, face masks, personal protective equipment, alcohol at iba pa ay totoong nakakatuwa at nakakapagpaluwag ng kalooban dahil hindi sila nagdaramot sa kanilang kakayahan.

Kaya naman, ang homeliners na siyang iniingatan ng frontliners ay kailangang manatili sa bahay.
Masarap ang pakiramdam nang nakakatulong kesa maging pasaway tayo.

Hindi porket mahirap tayo ay hindi tayo makakatulong sa paglaban sa virus na ito.

Simpleng pagsunod sa mga patakaran na ipinatutupad ng gobyerno ay malaking tulong na.

Nakita naman  natin kung paano mag-alala ang ating ama ng bansa (Pres. Duterte) sa mga Pinoy hindi siya nakukuntento na may maiiwan sa atin na may magugutom habang ipinatutupad ang enhanced community quarantine (ECQ).

Gusto niya lahat mabigyan ng ayuda kaya sabi niya kamakailan na bukod sa 18 milyong pamilyang Pinoy ay muli siyang magbibigay ng ayuda sa limang milyong pamilya na hindi nabigyan nang unang bugso ng Social Amelioration Program (SAP).

Akala lang natin matigas ang puso ni Pangulong Duterte dahil nagmumura siya, pero sa totoo ay malambot ang puso niya.

Na-PUNA natin iyan nang humingi siya ng tawad sa mga kilalang negosyante ng bansa na sina Manny Pangilinan at mga Ayalas.

Humingi siya ng tawad dahil sa mga sinabi niyang masasakit na salita.

Ibig sabihin, hindi siya politiko kundi ama ng mahigit isandaang milyong Pinoy.

Nakikita sa kanya ang malasakit na wala sa ordinaryong mamamayan.

Hindi niya kayang tiisin ang mga Pinoy na naghihirap na wala siyang ginagawa.

Sabi niya pa kahit ibenta niya pa ang mga ari-arian ng bansa para may maibigay siyang ayuda sa taumbayan ay gagawin niya.

Kaya sana sa ating mga kababayan makiisa tayo sa ating pangulo kung ano ang sinabi niya ay sumunod tayo dahil kung magtutulungan tayo walang imposibleng hindi natin matatalo ang ating kalaban na COVID-19.

Mahaba-habang panahon na tayong hindi makakilos dahil sa pag-iwas natin sa sakit na ito, pero kung magtutulungan tayo ay matatapos din ang krisis na ito.

Samahan na rin natin ng dasal na patuloy nang bumaba ang kaso ng COVID-19 nang makabalik na tayo sa normal na pamumuhay.

Nakita natin ngayon kung anong epekto nang biglaan krisis na tulad nitong COVID-19 bagaman nabulaga tayo, buti na lang maagap ang pangulo sa kanyang pag-aksyon.

Hindi biro ang coronavirus disease kaya dapat maging seryoso tayo sa pag-iingat.

Lahat ng paraan para makaiwas tayo sa dami ng mga tao ay gawin natin dahil kawawa ang ating pamilya na pag-uwi natin ay mahawaan natin sila.

Mahal natin ang ating mga pamilya kaya gumawa tayo ng makakabuti para sa kanila.

Maging sa ating mga kababayan, kung mahal natin ang ating pamilya at ating kapwa, ibig sabihin mahal din natin ang Panginoon.

‘Wag pasaway ‘Stay @ Home’.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

 

 

69

Related posts

Leave a Comment