COVID SPECIALIZED HOSPITAL ANG DAPAT PAG-UKULAN NG PANSIN

0

SAMUT-SARING pasikatan at bangayan ang nagaganap ngayon hindi lamang sa Senado kundi maging sa Local Government Unit. Lahat ay nagpapakitang gilas ng kahusayan at katalinuhan.

Sa Senado ay tila pinala­labas na sila na lamang ang may malasakit sa bayan at sobrang linis ng katauhan. Tila baga walang kahit ­konting mantsa ng korapsyon sa katawan.

Iba talaga ang nagagawa ng panahon ng pulitika, lahat ay may pagmamalasakit sa ­kapwa at lahat ay laban sa korapsyon. Lahat sila ay para sa kapakanan ng taumbayan. Pero kung titingnan ang kasalukuyang kaganapan sa ating gobyerno ay halos iisa lang ang pinag-aawayan at ‘yun ay kung sino ba ang mas malaki ang kinita mula sa kaban ng bayan.

Sa pananaw nga ng taumbayan ay kaya lamang sila nag-aaway ay natatakot ang bawat partido na ang ­malaking bulto ng pera ay napupunta sa iisang partido na maaaring magamit para sila ay ipanalo. Sa madaling salita, ang tila baga pagmamalasakit ng mga senador sa taumbayan sa katotohanan ay para sa sarili nilang kapakanan para sa darating na halalan.

Nakalulungkot na maski isa man sa kanila ay walang ­inisyatibo na mabigyan ng kongkretong aksyon ang ­pandemya na tuluyan nang nagpapabagsak ng ating ekonomiya at dahilan ng pagkahawa-hawa at pagkamatay ng mamamayang Pilipino.

Sino kaya ang senador o maging miyembro ng gabinete ang magsusulong sa pagkakaroon ng COVID-19 Specialized Hospital o COVID-19 Institute na magiging takbuhan ng lahat ng mga nagkakasakit ng dahil sa COVID-19 virus? Ito rin ang siyang magiging research ­institute ng mga dalubhasa para sa paghahanap ng tamang gamot o bakuna sa lahat ng mga pasyente na nahawaan ng nasabing virus. Batay na rin kasi sa report ng World Health Organization ay hindi mata­tapos sa loob ng 2 taon lamang ang sakit na dulot ng COVID-19 virus. At sinabi pa nga na ito ay mananatili na sa ating lipunan na kahilera ng pneumonia at iba pang pangkaraniwang sakit na tulad ng trangkaso.

Taong 1985 pa huling nakapagpatayo ng specialize hospital ang ating gobyerno at ang kasunod nitong mga taon ay nag-ukol na lamang ng panahon sa pagtatayo ng regional at provincial hospitals.

(MAY KARUGTONG)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment