TARGET ni KA REX CAYANONG
SA pangunguna ni National Director Atty. Demosthenes Escoto, kasama ang mga opisyal mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), inilunsad ang tatlong proyekto ng Department of Agriculture (DA), sa pakikipagtulungan sa World Bank.
Ito ay ang Philippine Fisheries and Coastal Resiliency (FishCoRe) project, Philippine Rural Development Project (PRDP) Scale Up, at Mindanao Inclusive Agriculture Development Project (MIADP) kamakailan.
Ang tatlong proyektong ito ay nakatuon sa pagsasanay ng mga magsasaka, mangingisda, at mga grupong katutubo na kasangkot sa agrikultura at pangingisda upang palakasin ang kanilang kooperasyon, mapabuti ang kanilang access sa merkado at paggamit ng teknolohiya, at mapanatili ang kanilang ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor upang ma-align ang mga pambansa at lokal na prayoridad sa pag-unlad ng agrikultura.
Ang FishCoRe project, unang collaborative project ng BFAR at ng World Bank, ay inaasahang ipatutupad sa Fisheries Management Areas (FMA) 6 at 9.
Sinasabing ito ay sumasakop sa malawakang bahagi ng 11 rehiyon at 24 lalawigan upang mapabuti ang halaga ng produksyon ng pangingisda at ang kaligtasan ng komunidad sa pamamagitan ng pag-adopt ng ecosystem-based approach to fisheries management (EAFM).
Mahigit sa 1.5 milyong mangingisda ang inaasahang makikinabang nang direkta sa pitong taong proyektong ito mula 2023 hanggang 2029 na may malaking pondo na umaabot sa 11.42 bilyong piso.
Sa pag-upo ni DA Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., ipinahayag niyang puno ng pag-asa ang hinaharap ng FishCoRe.
Binigyang diin niya na ang proyektong ito ay dapat na makatulong sa maliliit na mga mangingisdang Pilipino sa mahabang panahon.
Ang kanyang unang pagpupulong kasama si Escoto sa punong opisina ng DA sa Quezon City, ay nagbigay-diin sa pangunahing layunin niya na modernisasyon ng sektor ng pangingisda sa bansa.
Sa pamumuno ni Laurel, inaasahan na magaganap ang modernisasyon at masusing pag-aaral sa sektor ng pangingisda.
Hindi maitatanggi na ang pagtutok sa pangangailangan ng mga mangingisda at ang pagsusulong ng FishCoRe Project ay nagtataguyod ng mas matatag at maunlad na industriya ng pangingisda para sa kapakanan ng bawat Pilipino.
107