CLICKBAIT
PURSIGIDO si Finance chief Benjamin Diokno na isulong ng gobyerno ang buwis sa junk food at sweetened beverages upang madagdagan ang kita ng pamahalaan, at para mabigyan daw ng atensyon at tugon ang mga sakit na sanhi ng mahinang nutrisyon.
Tinatantyang P76 bilyon sa unang taon ng implementasyon ang madaragdag sa kaban ng bayan.
Bukod dito, sinabi ni Diokno na ang hakbang ay magreresulta sa 21 porsyentong pagbaba ng konsumo ng junk food.
Kasama sa papatawan ng buwis ang mga kendi, snacks, panghimagas at frozen confectioneries, na lumagpas sa itinakdang hangganan ng DOH para sa may laman ng taba, alat at tamis na produkto.
Ito ba talaga ay para pondohan ang mahalagang socio-economic programs ng administrasyon, masuportahan ang mga salat sa pagkain at matugunan ang food insecurity at malnutrisyon?
Namimilipit na ang mga ordinaryong tao sa mataas na bilihin at ngayon ay gagawing sangkalan ang nutrisyon at kalusugan upang isulong ang hakbang na lalong magpapabigat sa buhay. Wala na ngang katas at tuyo na ang karaniwang tao sa hirap tapos pipigain pa sa dagdag-presyo sa produkto na idudulot ng umento ng buwis sa mga pagkain at inumin na nakasanayan na nilang papakin at sipsipin.
Maraming pwedeng kuhanan ng buwis para lumaki ang kita ng gobyerno at malagpasan ang pinupuntiryang kita sa pamamagitan ng buwis.
Dagdag-buwis ba sa mga junk food, chichirya, matamis na inumin ang isa sa mga remedyo upang tugunan ang mga sakit na sanhi ng hindi tama kundi man sapat sa nutrisyon na pagkain?
Bakit mahilig ang karaniwang Pinoy sa junk food at mga chichirya? Iyan kasi ang kaya ng kanilang bulsa. Mabigat sa kanila ang dumukot para makabili ng may sapat na nutrisyon na pagkain.
Kung ipupursige ang tax sa mga nasabing uri ng pagkain at inumin, wag naman sanang gawing sandalan ang nutrisyon at kalusugan ng tao.
Ilaan ang malilikom na dagdag-buwis sa tunay na mahalagang programang panlipunan at pang-ekonomiya.
Sawa na kasi ang mga tao sa puro hakbang at drawing na pang-engganyo ngunit wala namang magandang napupuntahan ang disenyo.
Malamang sumulpot muli ang akala at alinlangan.
Kasi ba naman, ang sapantaha, alinlangan at pagdududa ay mistulang ningas ng apoy ng kawalan ng tiwala.
‘Yan, tiwala ang dapat isalaksak ng pamahalaan sa naguguluhang mamamayan.
