DAGDAG-KAALAMAN O PIGA-UTAK SA MGA ESTUDYANTE?

BUBUGBUGIN at lalaspagin ang utak ng mga mag-aaral kapag naisama pa sa mga aralin ang road safety at batas trapiko.

Nakasalansan na nga ang panukalang gawing bahagi ng ­curriculum sa mga paaralan ang environmental protection, entrepreneurship, ­population ­control at drug prevention, heto at naghain pa ang isang mambabatas ng Davao del Sur ng panukalang batas na idagdag ang road safety at batas trapiko sa aralin sa mga eskwelahan bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng mga aksidente sa mga pangunahing ­lansangan.

Ayon sa mambabatas, marami na ang pinagtibay na batas hinggil sa road safety at batas trapiko, ngunit lumalabas na anim sa 10 Pilipino ang hindi sumusunod sa mga itinakdang reglamento.

Hindi ang pagsulong ng Department of Education (DepEd) ng ­mekanismo na huhubog sa mga kabataan para maging responsable sa kalsada ang tugon dito.

Ang kawalan ng dispilina at kamulatan sa road safety at batas trapiko na isa sa mga dahilan ng pagkamatay ng mga tao, ay dapat na ­ipinababatid sa mga kumukuha ng lisensya.

Dito nagsisimula ang pagtugon sa problema. Dapat higpitan ang pagbibigay ng lisensya. Hindi kung paano mag-isip ang mga estudyante sa pamamagitan ng edukasyon ang dapat baguhin upang mapigilan ang problema sa road safety at hindi mulat sa traffic rules and regulation. Ang asal ng mga nais kumuha ng lisensya ang nararapat puntiryahin.

May mga Traffic Rule and Road Safety Seminar na isinasagawa ang mga police station ng iba’t ibang munisipyo na naglalayong ­mabigyan ng tama at dagdag kaalaman ang mga residente hinggil sa mga alituntunin at gabay para sa kaligtasan sa lansangan.

Mahalaga ang pagbibigay ng impormasyon para makaiwas sa ­sakuna at kapahamakan ang bawat mamamayan. Ito ang dapat.

Ang patuloy na pagdami ng bilang ng mga aksidente sa lansangan ay bababa kung magiging responsable ang mga Pilipino, siniseryoso at ­iginagalang ang batas trapiko, at disiplinado. Higit sa lahat, walang sinasanto ang mga otoridad sa pagpapatupad ng batas trapiko.

Patindihin ang pagpapatupad ng RA 4136 o Land Transportation and Traffic Code at lokal na patakaran para masiguro ang kaligtasan sa daan at seguridad ng publiko.

18

Related posts

Leave a Comment