DAHAS NG HALALAN

KUNG pagbabatayan ang kasaysayan ng pulitika sa Pilipinas, hindi na bago ang karahasan sa tuwing sasapit ang halalan – bagay na muling pinatutunayan sa mga kaganapan nitong nakaraang apat na linggo.

Ilan na nga ba ang napatay, ­nasugatan at nadamay sa madugong pulitika sa mga kanayunan. Hindi isa, dalawa o tatlo – marami na, at mukhang patuloy pang madadagdagan sa bawat araw na lilipas bago pa sumapit ang mismong halalan.

Hindi sapat ang katagang nakababahala para ilarawan ang peligrong kalakip ng bawat halalan. Dangan naman kasi, hindi biro ang salaping pinakakawalan ng mga pulitikong target ay pwestong sisidlan ng yaman at kapangyarihan.

Kung tutuusin, wala naman sanang maghahari-harian kung ang mga pulis at sundalo ay may sapat na kakayahang tapatan ang lakas ng mga private army sa mga kanayunan. Ano ba naman kasi ang panama ng 9mm pistol sa mga malalakas na armas ng mga sigang pulitiko mula sa malalayong lalawigan?

Gayunpaman, hindi rin naman angkop na tapatan ng dahas ang kapwa dahas. Mas marami ang mamamatay, masusugatan at mauulila.

Pero mali rin naman kung hahayaan na lang nating maulit ang insidenteng naganap sa bayan ng Ampatuan, sa lalawigan ng Maguindanao may 12 taon na ang nakararaan.

Solusyon ba kamo? Ang totoo, walang kagyat na kalutasan ang kultura ng karahasan sa tuwing sasapit ang halalan. Ang mayroon lang, isang mahabang prosesong walang katiyakang susuportahan ng mga nakaupo sa pamahalaan lalo pa’t sila mismo ang tatamaan.

Sa ngayon, ang pwede lang marahil gawin ng bawat isang Pilipino, maging mapanuri sa mga ihahalal na kandidato pagsapit ng Mayo.

75

Related posts

Leave a Comment