DALAWANG KUMAG SA AIRPORT TULOY ANG RAKET SA BUMBAY

BISTADOR ni RUDY SIM

SINO ba itong dalawang kumag na sina alias “Boy Cuetong Lupa” at “Boy Poso Negro” na tumatayong mga engkargado at pastolero ng mga pasahero lalo sa mga Bumbay diyan sa NAIA. Itong dalawang kumag na ito ang umano’y mga namamayagpag diyan sa NAIA ngayon. Truly untouchable raw itong si Cuetong Lupa dahil sa haba ng swerte nito. Mula pa noong nakaraang administrasyon ay kapit-linta na ito sa kanyang pagiging deputa sa BCIU at magpahanggang ngayon sa administrasyon ni Comm Tan5. Marami na raw ang nagtatanong kung kasali raw ba sa partehan si Tan5 kaya nananatili itong si Cuetong Lupa sa kanyang pwesto!

Dito raw iniintrega kay Cuetong Pulgas este, Lupa, ang mga koleksyon ng BCIU sa 2 terminals ng NAIA na siya naman nilang pinagpapartehan ng mga miyembro nito. Si Cuetong Lupa rin ang namamahala sa intelligence fund ng BCIU na kanya raw kinakatkong mula nang hinawakan niya ang pagiging deputa. Baka naman diyan ka pa kumukuha ng pang-date n’yo ng jowa at sekretarya mong si Eng-eng Marina. Ha ha ha!

Ito namang si Boy Poso Negro na itinalaga ng BCIU bilang isa pang deputa sa Terminal 1, ang siyang namamahala sa pastulan ng kanilang mga pasahero sa nasabing terminal matapos siyang bigyan ng pagkakataon sa BCIU. Matindi raw ang isang ito dahil bagay na bagay ang kanyang alyas na Poso Negro sa tindi ng pagsipsip sa kanyang amo. Kulang na lang daw na maghugas ito ng wetpaks ng kanyang amo para lang mabigyan ng pwesto.

Kumusta na kaya ang nakabinbing kaso nito sa DOJ? ‘Bat hanggang ngayon ay wala pa ang reso nitong si SOJ Boying Remulla? Nagtataka lang tayo kung bakit panay ang rigodon ngayon ng immigration officers diyan sa 2 NAIA Terminal eh kahit gawin ninyo na hilong talilong ang mga IOs diyan hangga’t magkakasama pa rin ang mga pusakal diyan na namamasahero, parang niloloko n’yo lang ang mga sarili n’yo! Tama ba ang sinabi ko, I-Probes Chief, Dong Kumar?

May pahugot-hugot pa kayo ng mga pasahero sa tube ng eroplano pero ang mga mata naman ng mga alipores mo ay dedma ‘pag dumating ang mga kawan ng mga nagkikintabang kambing. Haller!

Samantala, kung gaano ka-busy ang mga senador sa pagtutok sa kaso ni Alice Guo at ng kanyang mga POGO, bakit tila dedma lang sina Sen. Risa at Sen. Sherwin sa pagkalkal sa opisina ni Comm Tan5, kung bakit sandamakmak ang recall exclusions sa kanyang opisina? Hindi naman nakapagtataka kung maging bread and butter ito ng kanyang mga alipores dahil ang balita natin ay exclusive lang ang pag-approve ng REO na daraan sa kanyang kumare at BFF na si Jing-jing Tabachina. Sarap nga naman maging kumpare ang comm ng ahensya dahil sa perks and privileges na matatanggap mo. Bukod pa ang monetary benefits diyan ha!

Sa susunod na isyu, ating talakayin ang mga kapamilya incorporated diyan sa Bureau of Immigration at ang mga itinatayong dynasty ng mga alipores ni Comm Tan5. Ating tanungin ang Civil Service Commission kung bakit dedma lang ito sa mga nangyayaring nepotismo sa ahensyang ‘yan. Abangan!

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

259

Related posts

Leave a Comment