DAMO PARA SA KABAYO

AGRESIBONG isinusulong ng isang ­dating action star na napadpad sa Senado, ang panukalang naglalayong tanggalin sa talaan ng mga krimen, ang paggamit ng ­marijuana.

Sa Senate Bill 230 na inakda ni Sen. Robin Padilla, target bigyang lunas sa ilalim ng isinusulong na panukala ang mahabang mga talaan ng mga karamdaman. Pero teka, hindi ba’t karamdaman din ang pagkagumon sa damo?

Sa datos ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang marijuana – kilala rin sa tawag na damo – ay isa sa mga drogang ­lubhang inaabuso dahil sa laganap na ­supply at abot-kayang presyo. Ika nga ng mga ­tambay sa Maynila, tapwe lang ang katapat.

Katwiran ng minsang tinagurian bilang “Bad Boy ng Pelikulang Pilipino,” maiiwasan ang pagkakaroon ng kanser kung ­pahihintulutan ang paggamit ng marijuana. Pero iba ang lumalabas sa maraming pag-aaral.

Batay sa pagsasaliksik na isinagawa sa ibang bansa kung saan legal na ang paggamit ng marijuana, higit na marami ang masamang epekto ng damo sa tao sa tao, bukod pa sa totoong nakakaadik ang paggamit ng damo.

Wala ring batas para sa “supervised treatment” ng marijuana na pasok sa kategorya ng “regulated drug”.

Bakit nga ba ipinagpipilitan ni Padilla na gawing legal ang damo? Nakalimutan na ba niya na isa ang droga sa pangunahing kanser ng lipunan? Nakalimutan na rin ba niya ang minsan na ring nakaladkad ang kanyang pangalan sa paggamit ng droga, kaya naman dapat alam niya ang masamang dulot ng damo sa mga tao.

Sa gitna ng patuloy na kampanya kontra droga, tila hindi pa napapanahon ang ­kanyang panukala. Maliban na lang kung sa isang iglap ay kaya niyang ipasok sa piitan niyang ­pinanggalingan, ang mga pesteng “tulak.”

Two joints pa more!

36

Related posts

Leave a Comment