DAPAT ILIPAT SA PAO

0

ANG trabaho ng Ombudsman ay mangalap ng ebidensya laban sa mga isinusuplong at ­kinakasuhan kaugnay ng batas kontra katiwalian at pag-abuso sa hanay ng mga taong gobyerno – mula sa simpleng empleyado hanggang sa ­Pangulo.

‘Yan mismo ang dapat inaatupag ni Samuel Martires sa tanggapan kung saan siya itinalaga ng ­Pangulo bilang Ombudsman, at hindi ang pagtakpan ang mga abusado, kesehodang siya pa ay ang Pangulo.

Nakalulungkot lang isiping siya ay isang abogado. Hindi siya pangkaraniwang abogado. Ang totoo siya ay dating mahistrado bago pa man itinalaga sa pwesto bilang Ombudsman.

Pakiwari ng marami, malawak ang kanyang kaalaman pagdating sa batas. Subalit hindi ito ang nakikita sa kanya sa gitna ng mga kontrobersyang bumabalot sa Pangulo mula pa noong maupo ito sa pwesto.

Dangan naman kasi, ayaw ni Pangulong Rodrigo Duterte na isapubliko ang kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), mga dokumentong naglalahad ng kanyang sinumpaang pagtatala ng yaman – pera, pag-aaring ‘di natitinag, pagkakautang at iba pa.

Malinaw sa batas na kailangang magsumite ang bawat kawani ng gobyerno – opisyal man o empleyado ng kani-kanilang SALN taun-taon.

Higit pa sa pagsusumite, bahagi rin ng batas ang obligasyon ng mga itong isapubliko ang dokumento para sa kaalaman, kung hindi man pagkilatis ng publiko.

Sa pagtanggi ng Pangulo maglabas ng kanyang SALN, itinuro ng Palasyo ang Ombudsman na siyang dapat hingian ng sipi ng dokumento.

Ang siste, ayaw ni Martires sa kabila pa ng pormal na kahilingan batay sa batas kaugnay ng Freedom of Information (FOI), isang mekanismong magtataguyod ng gobyernong walang itinatago.

Katwiran niya, magagamit lamang ito sa pulitika at paninira. Dagdag pa niya, maging siya raw ay dating biktima ng maling paratang at pag-aakusa.

Susmaryosep naman Ginoong Ombudsman! Isantabi mo muna ang personal mong nararamdaman batay sa sinasabi mong karanasan. Ang batas ang dapat mong pinaninindigan.

Para sa kaalaman mo, Ginoong Ombudsman, ang mandato niyo ay pangalagaan ang interes ng mga tao sa paraan nang maagap na pagtugon sa mga reklamo laban sa mga taong gobyerno – mula sa pinakamababa hanggang sa Pangulo.

Bahagi rin ng inyong mandato ang isulong ang kasong sibil, kriminal o administratibo laban sa mga tiwali at abusado, maging ang magrekomenda ng paghahain ng mandamyento de aresto.

At para tiyaking walang ligwak ang mga isinampang kaso, mandato rin ng Ombudsman ang ­mangalap pa ng mas maraming ebidensiyang magpapanalo sa kanila sa kaso.

Kung ang diskarte ni Martires ay ipagtanggol ang inaakusahang tiwali at abusado, mas mainam sigurong lumipat na lang ito sa Public Attorney’s Office (PAO) kung saan ang trabaho ay magtanggol sa mga akusado.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment