TAMA lang ang sinasabi ni Quezon City Councilor Winston “Winnie” Castelo na masiguro ng awtoridad kung may maayos na working permit ang mga Chinese na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa bansa lalo sa QC ay nagbabayad ng tamang buwis.
Sa panayam ng Quezon City Press Club members, mahalagang mabigyan ito ng atensyon ng concerned agencies dahil kung totoong hindi sila nagbabayad ng buwis ay malaking kawalan ito lalo sa kung saan may ilang POGO rito, ayon sa comebacking councilor na naging three-termer congressman.
Kanyang nilinaw na OK lang sa kanya ang pagiging migrant workers subalit mahalagang masiguro ng Bureau of Immigration na may maayos na papeles itong mga Chinese bago sila mapahintulutang magtrabaho sa ating bansa ayon na rin sa sinasaad ng batas.
TIANGCO BROTHERS, NAGBUNYI SA PAGKAPANALO NI PACMAN
Kilalang malapit noon pa man ang Tiangco brothers – Mayor Toby Tiangco, Rep. John Rey Tiangco – kay boxing Senator Manny ‘Pacman’ Pacquiao kaya todo ang kanilang kagalakan sa muling pagkakapanalo nito laban kay American Keith Thurman.
“Ipinakita niya ang tunay na puso ng isang kampeon. Ang istorya ng kanyang buhay ay nagsisilbing inspirasyon sa atin na patuloy na magpursige hanggang marating ang tagumpay,” ani Mayor Toby.
Ayon naman kay Congressman JRT: “Muling pinatunayan ng ating Pambansang Kamao ang determinasyon ng mga Filipino na humarap sa mga hamon ng buhay.”
Suportado ni Mayor Joy ang gustong mangyari ni Digong
Suportado natin ang hamon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga lokal na pamahalaan na maglabas ng clearance at permit para sa mga negosyo nang hindi hihigit sa tatlong araw, ayon kay QC Mayor Joy Belmonte.
“Nakapaloob po sa ating 14-point agenda na target nating maglabas ng business permit para sa tinatawag na low-risk business sa loob ng isa hanggang dalawang araw lang.”
Para naman sa mga negosyo na kailangan ng masusing pag-aaral, hindi bababa sa isang linggo ang ating hinihinging panahon para makapagbigay ng permit, aniya.
Sa pamamagitan nito, ayon pa sa alkalde, mahihikayat natin ang mga negosyante na mamuhunan sa Quezon City at mabubura rin nito ang anumang katiwalian sa mga transaksyon sa ating siyudad. (Early Warning /ARLIE O. CALALO)
121