“DAPAT MANGUTANG SI DUTERTE” – DRILON

KAPAG inalam kung anu-ano na ang mga nakamit at napatunayan ni Senador Franklin Drilon sa buhay ay pihadong hahanga ka sa iyong madidiskubre.

Baka nga biglang pumasok sa isipan mong ipagpatayo ng monumento si Drilon sa harapan ng iyong bahay.

Hindi lang beteranong senador si Drilon, kundi naging Presidente din siya ng Senado noong taong 2000, 2001 hanggang 2006 at 2013 hanggang 2016.

Pambihira ang ganitong rekord ng isang senador.

Bago maging mambabatas si Drilon, naging kalihim ito ng Department of Labor and Employment (DOLE) mula 1987 hanggang 1990 kahit hindi naging lider – manggagawa.

Ang totoo, nagsilbi si Drilon sa mga kapitalista bilang bise – presidente at governor ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) at bise – presidente, board member at ingat – yaman  tagabantay sa Personnel Management Association of the Philippines (PMAP).

Mula DOLE, inilipat ni dating Pangulong Corazon Aquino si Drilon sa Department of Justice (DOJ), samantalang ang karanasan niya sa pagiging abogado ay hawakan at ipagtanggol ang mga kaso ng mga mayayaman at negosyante.

Tapos, naging “little president” si Drilon dahil itinalaga siya ng dating Pangulo bilang Executive Secretary noong 1991 hanggang 1992.

Naging kalihim uli ng DOJ si Drilon nang maging Pangulo si Fidel V. Ramos mula 1992 hanggang 1995.

Hindi ba’t kahanga-hanga?

Si Drilon ay nagtapos ng abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1969.

Kung pagbabatayan lang ang iskor niya sa bar examination noon ding 1969 kung saan siya ang ikatlo sa pinakamataas sa lahat nang lumahok sa naturang pagsusulit sa iskor na 86.85% ay hahanga ka talaga kay Drilon.

Sa tagal ni Drilon sa Senado, walang dudang marami na itong sinabi at naging panukala sa kaliwa’t kanang suliranin ng bansa at pamahalaan.

Ngunit, kahit kailan ay hindi ako naging interesado sa mga ideya ni Drilon.

Kahit nang kuwestiyunin niya noon ang tungkol sa napakamahal na P50 milyong presyo ng ‘kaldero’ na ginamit sa 2019 SEA Games ay hindi ako humanga dahil hindi naman niya ipinursige ang kanyang planong pag-alam sa katotohanan.

Dahil d’yan, hindi nalaman ng mamamayang Filipino kung mayroong kumita o wala sa P50 milyong halaga ng kaldero.

Hanggang ngayon ay nananatiling napakalaking palaisipan sa mga Filipino kung totoo ang balita sa media na nagkaroon ng korapsyon sa paglulunsad ng SEA Games sa bansa o hindi.

Hahanga ako kay Drilon kung tinumbok niya kung sinu-sino ang dapat managot sa P50 milyong halaga ng kaldero.

Syempre, higit akong hahanga kay Drilon kung nagbanggit siya ng mga pangalan kahit pa mambabatas ang sangkot dito. Basta ang mahalaga ay isiniwalat ni Drilon ang katotohanan.

Kamakailan, nakuha ni Drilon ang aking atensyon nang lumabas sa Saksi Ngayon ang pahayag niya tungkol sa utang.

Batay sa press statement na may petsang Hunyo 25 lumabas ang pananaw ni Drilon sa pagtugon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa suliranin ng pamahalaan tungkol sa coronavirus – 2019 (COVID-19).

“Ako po ay sumusuporta, hindi baleng mangutang tayo at mawala ‘yung ating credit rating, pero kailangan mangutang tayo para mabigyan natin ng stimulus ang ating mga kababayan at maibalik ang sigla ng ekonomiya,” tugon ng senador.

Idiniin pa ni Drilon na ang administrasyon ni Duterte “has no choice, but to borrow money since the tax collections are down.”

“Our present financial standing is not sufficient for us to cope with the pandemic situation. The COVID-19 pandemic is far from over,” patuloy ni Drilon na isa sa mga lider ng Liberal Party (LP).

Hindi ba alam ni Senador Drilon na 8.1 bilyong US dollar na ang inutang ng Pilipinas mula Enero ng taong kasalukuyan hanggang Marso ayon sa Bango Sentral ng Pilipinas (BSP)?

Wala bang nagsasabi sa mga tauhan ni Drilon sa Senado na sa loob ng tatlong buwan ay mahigit walong bilyong US dollar ang inutang ng administrasyong Duterte dahil sa COVID-19?! Tapos, binubuyo pa ni Drilon si Duterte na mangutang pa uli.

Ganito ang dahilan ni Drilon kung bakit daw obligadong mangutang muli ang administrasyong Duterte: “We need to hire thousands of contact tracers, incentivize doctors and nurses so they won’t leave their posts, purchase PPEs to protect our healthcare workforce, provide stimulus funds to businesses, and bring back home thousands of OFWs.”

Pati ang posibleng pagka-bankrupt ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na inihayag kamakailan ni Administrator Hans Leo Cacdac ay ginamit ni Drilon upang palabasing malakas, wasto at makabuluhan ang pangungutang.

Ang nabanggit na P18.6 billion trust fund ng OWWA ay hindi kailanman ginagamit sa “repatriation” ng ating mga overseas Filipino worker (OFW) na bumabalik sa Pilipinas.

Pera ito na galing sa membership fee sa OWWA ng mga OFW na nakalaan sa programang “reintegration,” kabuhayan at “scholarhip” ng naturang ahensiya.

Kung kailangan pa ng P4.5 bilyon ng OWWA para ipangtustos sa 150,000 mga babalik na Filipino sa bansa ay maglalabas ng P4.5 bilyon ang administrasyong Duterte dahil ito ang hiningi ni Cacdac sa Kongreso.

“Ang problema ay ang willingness ng gobyerno lalo na ang Department of Finance para dagdagan ang ating utang kasi wala tayong choice. Walang collection. Kailangan ibalik ang ating ekonomiya para magkaroon ng collection ang BIR (Bureau of Internal Revenue),” patuloy ni Drilon.

Hay naku, Senador Drilon.

Hindi ko po alam kung hindi kayo ang susunod na babatikusin ni Pangulong Duterte sa mga susunod na buwan at taon dahil sa inyong pananaw na mangutang ang administrasyon niya.

61

Related posts

Leave a Comment