DASAL SA MGA BIKTIMA NI ODETTE

RAMDAM natin ang pinagdadaanang pagsubok ng mga biktima ng bagyong Odette sa Visayas at Mindanao dahil wala siguro sa atin, maliban sa taga-Metro Manila, ang nakaranas ng matinding hagupit ng bagyo.

Sa Cagayan Valley na probinsya namin, maraming malalakas na bagyo ang sumubok sa amin tulad ng bagyong Lawin noong Oktubre 2016; Ompong noong 2018 at Ulys­ses noong November 2020.

Maliban sa Ulysses na nagpalubog sa halos buong lalawigan ng Cagayan, ang Lawin at Ompong ang pinaka­mapaminsala na talagang ininda ng Cagayanos dahil hindi lamang ang kanilang ari-arian ang nasira kundi ang kanilang mga kabuhayan.

Sa Metro Manila, ang bagyong Ondoy noong 2009 ang hindi malilimutan ng Manileños dahil pinalubog nito ang maraming lugar pero hindi kasinglupit ng mga bagyong dinaanan ng mga taga-probin­sya.

Sabi ko nga, ang bagyong Lawin at Ompong ay nag-iwan ng matinding pinsala sa Cagayan at ang bagyong Yolanda noong November 2013 na pinakamalakas na bagyo sa mundo, ay puminsala sa buhay, ari-arian at kabuhayan ng mga taga Eastern Samar, Western Samar, Leyte, ­Southern Leyte, Cebu, Iloilo, Capiz, Aklan at Palawan.

Kaya ramdam ng mayorya sa atin ang nararanasan ngayon na mga pinagdadaanan ng mga biktima ng bagyong Odette sa Dinagat Island, Siargao, Bohol, Cebu, Palawan, Leyte at marami pang lugar.

Limitado ang kapasidad nating tumulong kaya tanging Dasal ang maaari nating ialay sa kanila na sana ay agad silang makabangon sa kanilang pinagdaanang matinding pagsubok sa buhay.

Alam natin na makakabangon sila balang araw pero kailangan nila ang dasal natin para malagpasan agad nila ang pagsubok na ito sa kanilang buhay. Walang imposible sa Dasal.

Sana lang din ay matuto na ang mga kinauukulan at paghandaan agad nila kapag may babala ang PAGASA na may paparating na malakas na bagyo at ipuwesto ang dapat ipuwesto bago dumating ang unos.

Kung ang media outlets ay nakakapag-deploy agad ng kanilang reporters sa mga probinsya na dadaanan ng paparating na bagyo, hindi ko maunawaan kung bakit hindi agad nagde-deploy ang gobyerno ng mga tauhan na agad tutulong sa mga biktima.

Naka-deploy na ang mga reporter ilang araw bago dumating ang bagyo, bakit hindi magawa ng gobyerno tulad ng pagde-deploy ng mga pagkain, tubig at iba pang kailangan ng mga magiging biktima para hindi na magutom ang mga tao?

Isama rin natin sa ating dasal ang gobyerno! Amen.

6

Related posts

Leave a Comment