DATING ES ATTY. VIC RODRIGUEZ, MINAMAHAL NG MASANG PILIPINO

SA GANANG AKIN Ni JOE ZALDARRIAGA

KITANG-KITA ang pananabik ng mga tao sa muling ­paglutang sa publiko ni dating Executive Secretary (ES) Atty. Vic Rodriguez.

Naglabas ito ng maikling bidyo kamakailan sa kanyang opisyal na pahina sa Facebook matapos ang matagal na pananahimik. Dinagsa ito ng mga positibong reaksyon at mga komento mula sa mga netizen. Sa kasalukuyan, nasa higit 15,000 na ang nag-react dito at mukhang aabot pa sa 2,500 ang bilang ng mga komento.

Sa nasabing bidyo, binati at pinasalamatan niya ang mga taong patuloy na nagpapadala ng mensahe sa kanyang pahina. Ipinaghingi rin niya ng ­paumanhin ang ‘di pagsagot sa mga ito sa sobrang dami. Bunsod nito, minabuti ni Atty. Vic Rodriguez na ipahayag sa kanyang mga taga-suporta na siya aniya ay nasa mabuting kalagayan at may maayos na kalusugan. Kung mapapanood ninyo ang bidyo, talaga namang maaliwalas ang itsura ni Atty. Vic dito.

Nagpaalala rin si Atty. Vic ukol sa paparating na Undas. Aniya, bagaman ito ay long weekend at marami ang excited magpahinga at magbakasyon, nawa’y hindi makalimutan ng mga tao ang tunay na dahilan sa likod ng okasyong ito. Nawa’y magbigay ng sapat na panahon para alalahanin ang ating mga mahal sa buhay na naunang ­yumao sa atin.

Tiyak na marami rin ang natuwa sa sinabi ni Atty. Vic na muli itong lilibot at makikipagkita sa mga supporter nitong nagpadala ng imbitasyon mula sa iba’t ibang sulok ng bansa. ­Marami ang nasasabik at umaasa na makadaupang-palad si Atty. Vic. Isa na rito si ­Binibining Maharlika, ang sikat na vlogger at personalidad sa likod ng Balitang Maharlika na naka-base sa US.

Kaugnay ng inilabas na bidyo ni Atty. Vic, naging paksa ito sa vlog ni Bb. Maharlika kung saan tinalakay niya ang hindi matatawarang katapatan ni Atty. Vic kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (PBBM). Nilinaw din ni Bb. Maharlika sa nasabing vlog na wala siyang koneksyon kay Atty. Vic. Wala aniyang katotohanan ang mga fake news na binayaran umano siya upang mag-vlog tungkol kay PBBM.

Talaga namang iba ang takbo ng politika, hindi lamang sa Pilipinas. Tila tagisan ito ng kapangyarihan ng mga sikat na personalidad kaya’t hindi kataka-takang mayroong siraan kaliwa’t kanan gaya ng nangyari kay Atty. Vic. Nakabibilib nga na hindi nito pinatulan ang mga paninira at mga alegasyong ibinato sa kanya. Bagkus, nanatili itong tapat at mahusay sa kanyang ginampanang papel bilang ES. Siya ay nanindigan at nanatiling tapat hindi lamang bilang kaibigan ni PBBM kundi pati sa pagsusulong sa kung ano ba ang tunay na makabubuti para sa bansa.

Hindi ako magtataka kung isang araw ay muling mabibigyan ng posisyon sa administrasyon si dating ES Atty. Vic dahil tiyak na hindi lamang ang masa ang nakakaalam na talagang kailangan natin ng isang gaya niya na matapat at mahusay na politiko.

112

Related posts

Leave a Comment