DEATH CLAIMS NG MGA NAULILA NG KAWANI NG HUDIKATURA MABAGAL?

PRO HAC VICE ni BERT MOZO

GAANO nga ba katagal bago ang “death claim” na makukuha ng benepisaryo ng isang pumanaw na empleyado sa hudikatura?

Reklamo sa inyong lingkod ng isang kaanak ng sumakabilang buhay na empleyado sa isang Regional Trial Court, siya’y dalawang taon nang naghihintay ng death claim benefit ng kanyang mahal sa buhay.

Ayon sa ginang, humigit kumulang dalawang taon na matapos pumanaw ang kanyang mister na empleyado sa Regional Trial Court, nang kanyang ipinasa ang mga dokumentong kailangan upang maisaayos ang benepisyong dapat nilang matanggap subalit dalawang taon na ang nakalilipas ay wala pa ring mabuting balita ang naipararating sa kanila ng Korte Suprema.

Ayon pa sa ginang, madalas ang pagtawag at paghingi niya ng update sa tanggapan ng Administrative Services ng Korte Suprema ngunit tila ba walang pagbabago sa lagay ng kanyang isinumiteng requirements? Sagot aniya sa kanya, “pending” pa raw ang request, “still processing”, “umiikot pa” ang kanyang papeles. Tuwi-tuwina sa kanyang pagtatanong ang pare-parehong response na kanyang natatanggap mula sa nagpoproseso ng kanyang death claim benefit.

Tila ba walang nangyayari sa kanyang papeles. Walang konkretong sagot tungkol sa kung ano na nga ba talaga ang nangyayari sa kanyang isinumiteng mga dokumento,

Sinabi pa ng ginang, hindi niya alam kung may kulang ba sa ipinadala niyang papeles o mga dokumento, kung anong dahilan bakit kailangang tumagal ng humigit kumulang dalawang taon ang pagpoproseso sa papeles ng pumanaw na kaanak gayung kumpleto naman ang mga dokumento ng kanyang mister nang ito’y nanunungkulan pa sa lower court.

Tanong ng ginang, bakit tumatagal nang ganito ang pagproseso sa dokumento ng mga nasawing empleyado ng hudikatura?

Panlulumong katanungan pa ng ginang, hindi kaya inuupuan lamang ng mga nagpoproseso ang claims ng mga kaanak ng nasawi?

Bakit kailangang tumagal ng ganoon kahaba ang pagkuha ng benepisyo ng mga naulila gayung nakalaan naman dapat ito sa mga naulila ng mga empleyado ng korte?

Sinabi pa ng naulila na nananawagan siya sa mga lider ng Korte Suprema lalo’t higit sa administrador ng lower courts, sana ay bigyan nila ng pansin ang nakakaawang kalagayan ng mga naulila ng mga pumanaw na kasamahan nila sa korte.

Sana’y mabigyan sila ng maayos na pakiramdam, magaan na kalooban upang kahit papaano ay matulungan sila sa paghilom at pag-alis ng sama ng loob sa pagpanaw ng kanilang mahal sa buhay.

Paliwanag pa ng nadidismayang ginang, maaaring may prosesong sinusunod ang Korte Suprema sa mga kahalintulad ng kanyang claims, kaya tumatagal ng ganito ang pagbibigay ng grant ng kanilang benepisyo pero hindi ba parang masyado naman yatang matagal ang dalawang taong paghihintay ng death benefits claims?

Nawa raw ay bigyan ng pansin ng mga kinauukulan sa hudikatura nang mas mabilis at maayos na pagpoproseso ng mga benepisyo ng mga naulila.

Sana raw ay makamtan na ng ginang ang nararapat sa kanila sa mas maagang panahon, at huwag namang mabalewala ang pinaghirapan at pinagtrabahuan na ginugulan ng panahon ng kanyang mahal sa buhay.

At sana’y makarating din kay Chief Justice Alexander Gesmundo ang kanyang hinaing at maibsan ang pighati na nauna na niyang dinanas nang mawala ang kanyang mister.

168

Related posts

Leave a Comment