DELIKADO ANG MAGTURISTA SA IBANG BANSA KUNG ANG PAKAY AY MAGTRABAHO

AKO OFW

Sunud-sunod na paghingi ng tulong ang aking natanggap mula sa ilang kababayan na nagtungo sa ibang bansa gamit ang tourist visa, ngunit ang tunay na pakay ay ang magtrabaho.

Nitong nakaraang Biyernes ay aking tinalakay ang masaklap na dinaranas ng mga biktima ng illegal recruiters na nag-eengganyo na magpunta sa Dubai o Abu Dhabi sa UAE gamit ang visit visa. Pagdating nila sa UAE ay may sumasalubong na pala agad sa kanila sa airport na mga ahente upang sila ay ihanap ng trabaho o employer.

Ang siste, ipapasok sila sa isang employer na walang kasiguruhan kung sila ay mabibigyan ng work o employment visa. Matapos na mag-expire ang kanilang visit visa ay rito na magsisimula ang kanilang problema dahil mismong ang employer na kanilang napuntahan ay hindi rin sila gustong ikuha ng work visa upang sila ay mahawakan sa leeg at tuluyan nang hindi makaalis ng UAE.

Iba naman ang naging kaso ni Honey Grace Salting na nagtungo naman sa Qatar sa imbitasyon ng kanyang Nanay na kasalukuyang nagtatrabaho roon. Nang matatapos na ang bisa ng kanyang tourist visa ay nagtungo siya sa bansang Oman, upang muling makakuha ng bagong visa sa Qatar. Ngunit ilang araw pa lamang siya sa Oman ay nagkaroon ng malubhang karamdaman na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Dahil hindi siya dokumentadong OFW at wala rin siyang insurance ay malaking problema ang kinakaharap ng kanyang pamilya para mapauwi ang bangkay ni Salting. Tila sinisisi pa ng ilang kaibigan at kaanak ang embahada sa Oman dahil diumano ay sinabihan sila na walang pondo ang embahada.

Sa mga ganitong pagkakataon, ay talagang masasabi natin na walang perang hawak ang embahada, dahil ang anumang tulong sa pagpapauwi ng bangkay ay may kailangan na sundin na proseso at ito ay manggagaling pa sa Department of Foreign Affairs-Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs. (OUMWA). Ang ta-nging kailangan lamang gawin ng pamilya ay magpunta sa OUMWA at ipakita ang mga dokumento na nagpapatunay na sila ang tunay na pamilya at may karapatan para sa pagpapauwi ng bangkay ng kanilang kapamilya.

Hindi kinakailangan ng anumang referral mula sa anumang istasyon ng radio o politiko para asikasuhin ng OUMWA. May ilang dokumento lamang na dapat na sagutan at pirmahan. Matapos nito ay kailangan lamang na mag-antay ng ilang linggo o buwan dahil depende ito sa kaso o dahilan ng kamatayan ng nasawi.

Ito ay ilan lamang sa dahilan kung bakit hindi natin iminumungkahi sa sinuman na magturista sa ibang bansa kung ang tunay na pakay ay ang magtrabaho, dahil sa maling paraan na ito ay marami na tayong kababayan ang napapahamak at lalong naghihirap. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

161

Related posts

Leave a Comment