DELIKADO KAPAG GUTOM ANG TAUMBAYAN

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

NAKABABAHALA ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pagkain at produkto sa bansa.

Ang higit na nakaaalarma ay ang pagsirit ng presyo ng bigas sa pamilihan na ang ginawang dahilan ay ang pagtaas ng presyo ng inaangkat na bigas sa Thailand at Vietnam. Kinumpirma ito ng

Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), na nagpahayag din na sapat naman ang supply ng nasabing produkto.

Ibig sabihin, apektado ang presyuhan sa Pilipinas ng pagsirit ng presyo sa Thailand at Vietnam.

Sa kadedepende kasi sa import kaya ang lagot ay ang mga konsyumer partikular ang mahihirap na subsob na sa bigat ng hindi na kayang pasanin na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Mayroong darating na bigas ngayong Agosto at sa Setyembre, ayon sa grupong Philippine Rice Industry Stakeholders Movement (PRiSM), pero hindi pa rin tiyak kung bababa ang presyo ng bigas sa pamilihan pagdating ng mga inangkat.

Tanong nga ni Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas: Nasaan na ang P20 kada kilo ng bigas? Napansin din niya na tumaas na ang presyo ng bigas, at may posibilidad na maging sanhi ito ng pagtaas ng inflation.

‘Di ba sinabi ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. na maayos ang supply ng bigas? Gagawa lang ng mga hakbang upang masigurong hindi tataas ang presyo nito sa pamilihan.
At isa sa mga hakbang na iyan ay mag-angkat. Binase na naman ang pahayag sa kondisyon na tiyak namang mangyayari. ‘Yun bang may handa nang gagawing aksyon sa mangyayari na hinayaan

lang maganap dahil walang nakalatag na solusyon.

Siniguro lang na hindi tataas ang presyo ng bigas sa pamilihan kaya ang ipinangakong P20 kada kilo ng bigas ay tila pangako lang noong kampanya at malabong mangyari. Budol ng siglo ang tawag dito ng mga ayaw paawat sa patutsada.

Taas din lang napag-uusapan, isama na natin ang muling pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ngayong linggo.

Ika-anim na sunod na linggo na ang dagdag-presyo sa diesel, at ika-limang diretsong linggo na ang pagsirit ng presyo ng gasolina.

Walang magagawa ang mga motorista, kasama siyempre ang taumbayan, kundi ang umaray at humanda sa posibilidad na pagtaas ng presyo ng ibang bilihin, produkto at serbisyo.

Ang panibagong dagdag-presyo ba ay dulot lang ng kakulangan sa supply ng langis sa world market dahil sa pagbabawas ng produksyon ng mga producer ng langis sa mundo?
Balewala na ang excise tax.

Natural na epekto, bukod sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, ay ang umento ng pasahe.

Ito na nga. Makabawi man lang ang mga tsuper, humirit ang mga ito ng dagdag na P2.00 para maging P14.00 ang minimum fare.

Ano na ang halaga ng kapantayan ng lakas ng pagbili o ang pagkakatulad ng lakas ng pagbili ng pera ng mga Pinoy?

Tiis habang puwedeng magtiis. Mamaluktot. ‘Di bale na raw dahil resilient ang mga Pilipino.

Resilient ba ang sanay na sa hirap?

Tapos ang gobyerno ay hindi pumapalya sa kauutang. Tinatayang lolobo ang utang ng bansa sa P15.8 trillion sa pagtatapos ng 2024.

Halos nasa 12.1 porsiyento ng panukalang P5.768-trillion na National Expenditure Program (NEP) para sa 2024 ay ilalaan na pambayad ng utang.

Iyan ang nakatatakot na halimbawa ng usapang taas.

Kung mapupunta ang inuutang sa dapat daluyan at ginagamit nang maayos at buong katapatan, AYOS sana.

Pero kung sa pagwawaldas: mamamayan ang todas.

Kasi ba naman, wala ata sa bokabularyo ng gobyerno ang katagang “magtipid”.

Tila wala ring gustong magpaubaya pagdating sa confidential at intelligence fund. Ang biyahe ni PBBM sa susunod na taon ay malabo ring bawasan.

Sana bago maglustay at magpasasa ang mga nasa gobyerno ay maisip muna nila ang kumakalam na sikmura ni Juan.

Delikado kapag gutom ang inyong mga nasasakupan.

193

Related posts

Leave a Comment