NITONG nakaraang linggo ay mukhang nasobrahan sa ganda ng gising itong si Cabiao Mayor Ramil Bustamante Rivera ng Nueva Ecija kaya’t naisipan niyang magpasiklab sa kanyang mga nasasakupan sa pamamagitan ng isang parada. Tiyempo namang napadaan tayo sa kanyang lugar pabalik ng Maynila at dito tayo inabutan ng delubyo.
Nang dahil sa parada ni Mayor Rivera, daan-daang motorista ang naburo sa daan sa sobrang traffic. Ang mga bus na dumadaan doon ay napilitang tumambay na lang ng ilang oras dahil wala silang madaanan.
Wala namang masama sa mga ganitong parada lalo na kung may piyesta o anumang espesyal na okasyon sa isang lugar pero utang na loob Mayor Rivera, gamitin mo namang ang natitira mong sentido kumon kapag may ganito kang pasiklab sa iyong lugar.
Nangangasiwa ka ng isang bayan pero ‘di mo alam kung paanong ma-ngasiwa ng napakasimpleng parada?
Bago pa man sana naganap ang parada ay naplano na ni Mayor ang mga detour points at nakapag-assign na ito ng mga traffic enforcer upang matiyak na maayos ang daloy ng trapiko lalong-lalo na sa mga inaasahang maging choke points.
Aba’y ang ginawa ni Mayor Rivera ay hinayaang makapasok ang mga sasakyan sa mga dadaanan ng parada. Saka pa lamang sila nagkukumahog na mag-lagay ng detour noong makita nilang nagkakandabuhol-buhol na ang daloy ng mga sasakyan.
Dahil hindi naman alam ng mga motorista na may parada pala sa kanilang dadaanan kaya hindi na maiwasan ang pagkabuhul-buhol ng mga sasakyan. At dahil daanan din ito ng mga dambuhalang trak na nuknukan din ng kaswapangan sa kalsada ay lalong nagkadelubyo ang trapiko sa buong Cabiao.
Kanya-kanyang singit at diskarte ang ginawa ng mga motorista upang makalusot subalit lalong lumala ang sitwasyon dahil sa mga nagka-counterflow.
At ang mas masaklap ay ilang oras ang hinintay bago pa nagpadala si Mayor Rivera ng mga pulis at mga traffic enforcer upang isaayos ang nagkakandabuhol-buhol na daloy ng trapiko sa kanyang bayan.
Hindi naman siguro first time na magkaroon ng ganitong parada sa Cabiao kaya’t awtomatik sana na may maayos na plano kung paano ang magiging daloy ng mga sasakyan.
Kapag pangunahing highway ang apektado, dapat sana ay naglagay ng mga detour upang dito dadaan ang mga sasakyan. Kung ‘di kasya ang mga trak at bus dahil masisikip ang mga barangay roads, dapat ay may abiso ang mga operators tungkol sa kanilang parada upang sa ganoon ay makaiwas ang mga ito at maghanap ng ibang madadaanan.
Bago pa man ang aktwal na parada ay dapat na may mga traffic enforcer sa mga detour points at sa mga inaasahang choke points at hindi ‘yung saka lang magtatawag ng mag-aayos ng trapiko kapag nagkawindang-windang na ang daloy ng mga sasakyan.
Basic po yan Mayor Rivera. Hindi mo na kailangan na maging inhinyero para mapagtanto ito. (Bagwis / GIL BUGAOISAN)
261