DENGUE AT ANG SUPLAY NG DUGO

SA TOTOO LANG

Umangat na naman ang Pilipinas sa “pinaka”.

Pero ang bagong balita ay nakalulungkot at nakaaa­larma dahil ang Pilipinas ngayon ang may pinakama­raming kaso ng dengue sa Southeast Asia sa taong ito.

Ang bilang kasi ng kaso ng dengue sa ngayon ay sumampa na sa 146,062 at nakapagtala na rin tayo ng mga pasyenteng namatay rito sa bilang na 622.

Ang nakalulungkot pa rito, may area o sangay ng Philippine Red Cross (PRC) na namumroblema ngayon sa suplay ng dugo para maitulong sana para sa blood transfusion ng mga pasyente na na-dengue.

Ang dengue ay isang mosquito-borne disease na hindi basta-basta. Uubusin nito ang lakas ng iyong katawan at pera mula sa iyong bulsa.

Noong nakaraang buwan lamang ay nagpahayag ang PRC-Capiz chapter sa Roxas City na paubos na ang platelet concentrate blood sa kanilang tanggapan na siyang ginagamit sa dengue patients.

Kamakailan lang din ay binabantayan ng PRC sa Zamboanga City ang suplay ng dugo sa kanilang bloodbank.

Sa paglobo ng dengue cases naroon na may isyu rin at magiging isyu rin ang kakulangan sa suplay ng dugo.

Hindi naman kasi basta-basta na lamang ang pagkuha ng dugo sa tao. Maraming mga bagay na dapat ikonsidera gaya ng tipo ng dugo, ang kalinisan nito, ang sitwasyong pangkalusugan ng kukuhanan ng dugo at kung anu-ano pa.

Malaking problema ang dulot kung sa ganyang bagay ay mayroong kakulangan. Ito ay dahil nakasalalay dito ang buhay ng mga pasyente na nangangailangan ng dugo, lalo na ang nagkakasakit ng dengue na kailangang sumailalim sa blood transfusion.

Kung sino man sa atin ang nais mag-donate ng dugo magtungo lang sa tanggapan ng PRC. Kailangan iyan ng bawat isa sa atin…kahit hindi man sa kaso ngayon ng dengue. Pero naroong nakapokus ang ahensya ng pamahalaan para resolbahin ang dengue na epidemic na ngayon. Kailangan lang diyan ay magtulungan. (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)

342

Related posts

Leave a Comment