DEPRESSION: MENTAL HEALTH AT EKONOMIYA

MAGING WAIS KA

MAYROONG dalawang kahulugan ang salitang depression. Isa ay patungkol sa mental illness, ang isa naman ay tungkol sa mahirap na kalagayan ng ekonomiya. Hindi ba’t sinasalamin din ng ating kalusugan ang tunay na lagay ng ating lipunan?

Mahigit sa tatlong mil­yong Filipino na ang apektado ng depression ayon sa Department of Health. At may higit na 300 milyong katao ang nakakaranas nito sa buong mundo. Tumaas ang bilang ng nakakaranas nito ng 18 porsyento mula 2005 hanggang 2015 at patuloy na dumarami pa.

Isa ang depression sa pangunahing dahilan sa pagkitil ng buhay ng isang tao. Ayon sa World Health Organization, nasa edad na 15 hanggang 29 ang mga karaniwang nagsu-suicide dahil sa depression. Nakaaalarma na bumabata ang nakakaranas nito.

Responsibilidad?ng pamahalaang tugunan ang depresyon sa pamamagitan ng paggagamot at pagbibigay ng psycho-social interventions. Ngunit, ang mga ito ay mga panandaliang solusyon lamang. Hangga’t hindi natutumbok ang tunay na problema ng lipunan gaya ng kahirapan at kawalan ng trabaho, marami ang patuloy na magugutom, hindi makabili ng gamot o hindi makapag-aral. Isang patunay na dahilan ang kahirapan ayon sa pag-aaral kung bakit maraming Filipino ang may depression.

Ngunit, hindi lamang gobyerno ang may baha­ging dapat gampanan. Hindi kayang tugunan ng pamahalaan ang pagkakaroon ng matibay na loob, matatag na pananampalataya at makabuluhang mga relasyon ng pamilya na makatutulong upang mapabuti ang kalusugan ng bawat isa.

Dahil sa hindi nakikita ng ating mga mata ang sugat na dala ng depression, ay maaari na nating ipag-sawalang-bahala ito hanggang mauwi sa suicide. Ang tunay na laban sa depression ay ‘di napagtatagum­payan nang mag-isa. Ito ay kolektibong pagkamulat sa sakit na ito at pagkakaroon ng tama at pangmatagalan na solusyon.

Ang unang laban sa depression ay nagsisimula sa komunikasyon. Magkaroon sana ng lakas ng loob na magbahagi ang mga nakakaranas nito upang ito ay maagapan. Sa mga hindi nakakaranas, maipa­dama sana natin na tayo ay maaasahan ng mga nakakaranas nito. Ang depression ay walang pinipiling tao. Lahat tayo ay pwedeng makaranas lalo na ang mga kabataan sa ngayon, subalit ang mas mahalaga ay mapaglabanan ito.

Para sa inyong komento, suhestiyon, at reaksiyon maari po akong i-email sa Ilagan_ramon@yahoo.com. (Maging waIs Ka! / MON ILAGAN)

543

Related posts

Leave a Comment