‘DI KO MAGETS ANG DTI

ANG daming problema sa pagnenegosyo sa ­ating bansa ngayon dahil ­napakaraming negosyo ang nagsara dahil sa coronavirus disease – 2019 (COVID – 19).

Marami ring mga negosyante ang nagsasamantala ngayong panahon ng ­pandemya dahil nagtataas sila ng presyo ng kanilang mga produkto na ang naaapektuhan ay ang kawawang consumers.

Nandyan ang mga walang basehang pagtataas ng presyo ng mga agricultural products, construction ­materials, mga pagkain na nabibili sa mga palengke at kung anu-ano pang mga bagay na kailangan ng mga tao araw-araw.

Maraming naloloko sa online shopping dahil ang mga inoorder nila ay iba sa kanilang inaasahan, o kaya hindi maayos ang produktong binili nila at pahirapan ang pagbabalik dahil nasa ibang bansa ang supplier.

Ito ang mga dapat ­asikasuhin ng Department of Trade and Industry (DTI) dahil tungkulin nitong proteksyunan ang interes ng mga consumer, pero hindi natin sila ramdam, kaya nagtatanong ang mga tao, may silbi pa ba ang departamentong ito?

Wala silang kusa para pigilan ang pagtaas ng presyo ng lahat ng mga bilihin.

Pero, mayroon silang panahon na magtakda ng standard ng recipes ng mga pagkaing Pinoy tulad ng adobo, sinigang, sisig at lechon.

Ito ang kanilang pinagkakaabalahan sa panahon ng pandemya.

Hindi ko sila magets.

Bawat rehiyon may kanya-kanyang istilo sa ­pagluluto ng mga nabanggit na putahe, kaya hindi ko maintindihan kung bakit kailangang magkaroon pa ng standard kung paano lutuin ang mga ito?

Sa amin sa Norte, ang gusto naming adobo ay ‘yung mamantika, pero sa ibang rehiyon, ang gusto nila ay halos walang mantika.

Ibig bang sabihin, kailangang sundin ng mga Filipino ang itatakdang pamantayan ng DTI kung papaano lutuin ang putaheng ito?

Sa Cebu, ang may pinakamasarap na lechon na hindi na kailangan ng sawsawan, pero may mga rehiyon na mas gusto nila ang nakasanayan nilang istilo ng pagluluto ng putaheng ito.

May kanya-kanyang pamamaraan din ang bawat rehiyon sa pagluluto ng sisig, sinigang at iba pang putahe na karaniwang nakikita sa mga hapag-kainan at hindi lang sa mga handaan.

Aminin natin, ang gusto natin ay ang nakasanayan nating pagluluto ng mga putaheng ito, kaya kung magagawi tayo sa ibang rehiyon ay sasabihin natin sa ating sarili na “mas masarap pa rin ‘yun luto sa amin”.

Ang punto ko rito, bakit kailangang pakialaman ng DTI kung papaano dapat lutuin ang mga putaheng ito?

Marami silang trabahong dapat gawin para magkaroon ng proteksyon ang mga consumer, ‘yun ang dapat nilang asikasuhin! ‘Di ko kayo talaga magets!

50

Related posts

Leave a Comment