DPA ni Bernard taguinod
HALOS lahat tayo ay nangangarap na magkaroon ng mga lider ng bansa na mas pinahahalagahan ang kanilang reputasyon at pangalan, at kabutihan ng bansa pero mukhang “in our dreams” na lang yata ito at hindi pa mangyayari sa panahon natin ngayon.
Maraming nainggit na Pinoy sa Vietnam nang mag-resign ang kanilang presidente na si Nguyen Xuan Phuc nang masabit sa anomalya sa COVID-19 funds ang kanyang mga ministro.
Mukhang walang kinalaman si Nguyen sa anomalya kundi ang mga tao niya mismo subalit dahil responsibilidad niya ang mga kurakot ay nag-resign na lamang siya dahil nakataya ang kanyang pangalan at reputasyon.
Siyempre, sinasabi ng ilan na agawan ng kapangyarihan sa Communist Party ng Vietnam ang dahilan ng pagre-resign ni Nguyen at inunahan nito ang desisyon ng kanilang Politburo na tatanggalin siya sa puwesto dahil sa anomalyang kinasangkutan ng kayang mga tao.
Ang maganda pa sa Vietnam, lahat ng sangkot sa anomalya ay pinag-aaresto agad-agad, hindi lamang ang mga opisyales ng gobyerno kundi gayundin ang mga negosyanteng kasabwat ng mga ito sa pagmamaniobra sa kanilang COVID-19 funds.
Pero dito sa Pinas, malabong mangyari iyan dahil kahit kitang-kita na ang anomalya sa COVID-19 funds tulad ng pagmamaniobra sa pagbili ng personal protection equipment (PPEs), ay wala pa ring nagre-resign at ang mga sangkot na negosyante ay nakalaya na at ang kanilang pinaka-boss, mukhang wala na sa ‘Pinas.
Ang malupit pa, ang mga opisyales na Covid-19 fund mess, ay nasa poder pa at nabibibigyan pa ng puwesto sa bagong administrasyon kaya mukhang hanggang panaginip na lang ang pangarap natin na magkaroon ng mga lider na mas importante kanilang reputasyon, pangalan at kabutihan ng bansa.
Sa New Zealand naman, hinangaan ng buong mundo ang kanilang Prime Minister na si Jacinda Kate Laurell Ardern na nag-resign dahil wala na raw siyang maibigay na bagong idea para sa ikabubuti ng kanilang bansa.
Hanggang Pebrero 7, 2023 na lamang si Ardern matapos nitong ianunsyo ang kanyang pagre-resign noong nakaraang buwan matapos ang 5 taong pamumuno sa kanilang bansa.
Kahit puwede pa niyang pamunuan ang New Zealand ng panibagong 5 taon ay nag-resign na siya dahil naibigay na raw niya ang kanyang 100% at wala na siyang maiaambag na bago kaya nag-resign na lang siya.
Hindi iyan mangyayari sa ating bansa dahil ganid sa kapangyarihan ang ang halos lahat ng opisyales ng ating bansa. Hangga’t hindi sila namamatay, hindi sila aalis sa pulitika.
Marami tayong mga lider na matapos ang kanilang panahon sa isang puwesto ay maghahanap ng ibang posisyon kahit wala naman silang nagawang maayos sa bansa at nasangkot pa sila sa mga anomalya.
Meron ding mga bata ng mga pulitiko na nagpapa-appoint pa rin sa bagong administrasyon kahit nabahiran na ang kanilang pangalan kaya “in our dreams” na lang talaga ang pangarap natin na magkaroon tayo ng isang Nguyen at Ardern.
