‘DI PA TAPOS TRANSPORT STRIKE

EDITORIAL

MAWAWALAN ng prangkisa ang mga jeepney operator na hindi tatalima sa December 31 consolidation deadline sa ilalim ng PUV Modernization Program.

Halos 70,000 public utility vehicles (PUVs) sa bansa na hindi sumapi sa kooperatiba o korporasyon matapos ang deadline, ay ituturing nang ilegal sa Enero 1, 2024. Magiging kolorum na ang mga PUV.

Ito ang sinasaad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Memorandum Circular.

Sa huling datos ng LTFRB, nasa 153,787 jeepneys, UV Express vans, minibuses, at public utility buses ang nag-consolidate na hanggang nitong Nobyembre. Katumbas ito ng consolidation rate na 70 percent ng 222,617 PUV units.

Pinadali na ng gobyerno ang requirement sa konsolidasyon, inalis na ang penalties sa mga hindi nagsumite ng kanilang consolidation requirements noong 2020, at ang minimum na bilang ng units para consolidation ay ibinababa sa 10 mula sa 15.

Ngunit, bakit kontra pa rin ang ibang transport group? Nitong Biyernes, nagpahayag ang Piston at Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon na maglulunsad ng isa pang malawakang tigil-pasada mula ngayon hanggang Disyembre 29.

Hinamon nila si President Marcos na muling pag-aralan ang desisyon nito at magpalabas ng executive order na magpapawalang bisa sa December 31 deadline.

Ayon kay Piston president Mody Floranda, hindi lang sila ang mawawalan ng trabaho sa Enero. Maraming Pilipino ang mahihirapan.

Magkaroon kaya ng transport crisis at maapektuhan ang ekonomiya?

Pinawi naman ng gobyerno ang pangambang magkakaroon ng transport crisis.

Ang LTFRB ay magbibigay ng special permits sa consolidated operators ng jeepneys para tiyaking sapat ang bilang ng PUV na bibiyahe simula Enero 1.

Magbibigay rin ang mga LGU ng libreng sakay.

Hindi dapat ismolin ng pamahalaan ang maliit na bahagdan ng mga ayaw tumalima sa consolidation deadline. Ang mahigit 60,000 unit ay malaking kabawasan sa bumibiyahe at malaking kakulangan para sa mananakay lalo’t karamihan sa PUV units sa NCR ay hindi pa nagko-consolidate.

Ito ang dapat tutukan ng pamahalaan. Tutok hindi sa kung paano tugunan ang problema sa NCR, kundi kung paano hahantong sa epektibong solusyon sa isyu ng consolidation at modernization program sa buong bansa.

Hindi matatapos ang hilahan hangga’t hindi napapatid ang pising hinahatak ng magkabilang kampo. Patuloy na bubusina ang mga kontra, at marami pa rin ang maaantala, maaabala at mababahala.

Huwag naman sana sa bahala na iangkas ng gobyerno ang susunod na hakbang sakaling lumala ang krisis sa transportasyon sa susunod na taon.

196

Related posts

Leave a Comment