DILAWAN SA GABINETE, TARGET SIPAIN SA ENERO

PUNA Ni JOEL AMONGO

TAPOS na ang pagtanaw ng utang na loob ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa mga nagbigay suporta sa kanyang kandidatura noong ­nakaraang Mayo. Patunay nito ang ­kabi-kabilang “pagsibak” ng mga taong wala na nga ­maitutulong, nakapeperwisyo pa sa mamamayang Pilipino.

Kabilang umano ang isang mataas na opisyal sa ­Department of Human Settlements and ­Urban Development (DHSUD), na sinisipat na rin ni Executive ­Secretary Lucas Bersamin.

Ayon sa isang kasangga sa Palasyo, aabot sa 1,500 ­appointees ang nakatakdang sipain sa kani-kanilang pwesto sa pagtatapos ng Disyembre

Buwan ng Hulyo 2022 nang hirangin bilang Housing Czar si Jerry Acuzar na bayaw ni ­former Executive ­Secretary Paquito Ochoa na mas kilala bilang ­”Little President” ng yumaong dating Pangulong Noynoy Aquino.

Wala namang problema kung bayaw ng dilawan si ­Acuzar. Gayunpaman, isa sa sinisilip na problema sa pagtatalaga kay Acuzar ay ang conflict of interest sa naturang departamento. Bakit kamo?

Isa siyang kontratista sa pabahay ng gobyerno.

Si Acuzar ang chairman ng New San Jose Builders (NSJB) na kanyang itinaguyod noong dekada otsenta. Ilan sa mga nasungkit niyang kontrata sa National Housing ­Authority ­(ahensyang nasa ilalim ng ­DHSUD), ang Katarungan Village ­socialized housing project sa loob ng New Bilibid Prisons sa Lungsod ng Muntinlupa, at ­resettlement housing para sa ­libo-libong pamilyang apektado sa pagputok ng Bulkang Pinatubo.

Pasok din sa posibleng walisin ni Bersamin si ­Socialized Housing Finance Corporation president Federico Laxa na ayon sa mga kritiko, ay sangkot sa kwestyunableng transaksyon noong siya’y nanunungkulan sa Technology and Livelihood ­Research Center (TLRC).

Sa kanyang kumpas, nagawa ng isang kumpanyang nakabase sa Pampanga na ­makautang ng P37.6 milyon gamit ang isang lupang makikita lamang tuwing tag-araw bilang prenda sa gobyerno. ­

Susmaryosep, bahagi pala ng karagatan ang ­tinanggap na kolateral ng ahensyang pinamumunuan – ‘yun bang ‘pag low-tide lang pwede makita at lakaran.

Sa Memorandum Order No. 7 na nilagdaan ni Bersamin, binigyan na lang ng hanggang Disyembre 31, 2022 ang mga itinalaga sa iba’t ibang pwesto, sa hangaring bigyang daan ang pag-upo ng mga karapat-dapat na opisyal na makatutulong ng Pangulo sa pagsasakatuparan ng kanyang mga binitawang pangako sa mga tao.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

272

Related posts

Leave a Comment