SA loob ng mahabang panahon, naging kanlungan ng malalaking angkan ng mga politiko ang party-list system kung saan halos sila-sila rin lang ang nominado.
Ano nga ba ang political dynasty? Ang political dynasty ay isang pamilya ng mga politiko sa isang lugar at naipapasa sa kanilang kapamilya ang katungkulang ginagampanan sa pamahalaan.
Kabilang sa mga bansa kung saan legal ang political dynasty ay ang Tsina, Japan, Inglatera North Korea at Espanya.
Ang totoo, mahigpit na itinatakwil sa ilalim ng Saligang Batas ang political dynasty. Subalit dahil pinamamahayan din ng angkan ng mga politiko ang Kongreso, hindi man lang umuusad ang mga panukalang nagsusulong sa pagbabalangkas ng Implementing Rules and Regulations na magiging sandigan sa pagpapatupad ng naturang probisyon.
Hindi maitatangging laganap na ang kalakarang pami-pamilyang paghahari sa 81 lalawigan, 143 siyudad at 1,498 na munisipalidad sa bansa. Mula sa kanilang mga ninuno, ipinapasa ang pamamahala gamit ang salaping galing sa katiwalian, armas at private army sa pananakot at panggigipit – may halalan man o wala.
Sila yaong animo’y panginoong hindi pwedeng salingin o kontrahin. Halimbawa nito ang pamilyang Ampatuan sa gawing timog ng bansa. Sa hangaring panatilihin ang impluwensya, sukdulang wakasan ang buhay ng 58 katao – kabilang ang 32 mamamahayag.
Bagama’t napanagot at nakakulong na ang mga pangunahing akusado sa kontrobersyal na Maguindanao massacre, hindi pa rin ganap na nabubunot ang dinastiya sa kanilang lalawigang pinagharian sa loob ng mahabang panahon.
Sa nalalapit na halalan, mas pinalawak pa ang poder at teritoryo ng mga malalaking angkan.
Bukod sa mga distritong kinakatawan sa Kongreso, kapitolyong sentro ng pamamahala ng lalawigan, siyudad at bayang kontrolado nila, maging ang 60 upuang nakalaan sa mga abang sektor ng lipunan sa Kamara, puntirya na rin nila.
Ano nga ba ang masamang dulot ng political dynasty sa lokal na antas ng pamamahala? Kapansin-pansin ang mataas na poverty rate sa mga lugar na pinatatakbo ng magkakamag-anak na patuloy naman ang pag-angat ng antas ng pamumuhay gamit ang impluwensyang kalakip ng pwesto sa gobyerno.
Mas malawak din ang bentahan ng ilegal na droga, ilegal na pasugalan, prostitusyon, illegal logging, pagmimina at iba pang mapaminsalang aktibidades.
Ang tanong: Kailan matutuldukan ang political dynasty sa Pilipinas?
Ang sagot: Walang katiyakan.
114