DIRECT ENGAGEMENT, SALAMIN NG SINSERIDAD NI BBM

SA GANANG AKIN Ni JOE ZALDARRIAGA

MALAKI ang papel na gina-gampanan ng komunikasyon sa ating buhay sapagkat ito ang nagbibigay sa atin ng karapatang ihayag ang ­ating saloobin. Bukod dito, ito rin ang dahilan kung kaya’t tayo’y nagkakaintindihan, nag­bubuklod, at nagkakaisa.

Ito marahil ang dahilan kaya’t pinili ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi na magtalaga ng kanyang opisyal na tagapagsalita, bagkus ay siya na umano ang mismong haharap sa ­bayan at sasagot sa mga katanungan ukol sa ating bansa.

Kamakailan, inanunsyo ni Atty. Trixie Cruz-Angeles, ang susunod na kalihim ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa ilalim ng administrasyong Marcos, na tila hindi na magtatalaga si BBM ng kanyang tagapagsalita dahil may kakayahan naman si BBM na ipaliwanag ang lahat ng mga isyu.

Bagama’t ang mga nakalipas na administrasyon ay may mga sariling tagapagsalita at tagapagtanggol sa kanila at ng bansa sa panahon ng krisis, ay mainam na rin na ­manggaling na mismo sa pangulo ang bawat impormasyon dahil sa kanya rin naman magmumula ang lahat ng mga inisyatiba, desisyon, at plano para sa ating bansa.

Mainam na rin ito upang maging “aligned” ang bawat impormasyon at maiwasan ang miscommunication.

Saludo ako sa desisyong ito ng pangulo dahil mapapatunayan niya sa kanyang mga kritiko na taliwas sa iniisip nila ay hindi nya tinatakbuhan ang mga isyu patungkol sa kanyang pamamahala, tanda na matatag na lider si BBM. May kakayahan din siyang depensahan at ipagtanggol ang kanyang mga desisyon at polisiya para sa ikabubuti ng ating bansa.

Kung ating matatandaan, kaliwa’t kanan ang mga maaanghang na salitang ibinabato kay BBM noong panahon ng kampanya ngunit bilang advocate ng pagkakaisa, si BBM ay nanatiling isang statesman at ‘di pinatulan ang mga pang-aaway ng kanyang mga kritiko at itinuon na lamang ang kanyang pansin sa direktang pakikipag-ugnayan sa mama­mayan kung saan kanyang ipinaliwanag ang plataporma ng kanyang pamahalaan.

Ang direct engagement na ito ang naging daan ng ­administrasyong Marcos, at naging testamento, ng kanyang pagkapanalo sa pagkapangulo.

Kung matatandaan, bukod sa traditional media nakitaan din natin ang campaign team ni BBM na direktang nakipag-usap sa sambayanan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng social media at ibang communication platforms upang direktang ­makipag-ugnayan sa mga Pilipino.

Kumpara sa mga patalastas sa telebisyon at radyo, naiibang uri ng komunikasyon ang direct engagement sapagkat nahahaplos nito ang puso ng bawat tao.

Batid ng taong bayan na ginagawa ni BBM ang lahat ng kanyang makakaya upang ang kanyang pamumuno at pangangasiwa sa ating bansa ay magbubunga ng isang magandang bukas, at ang ninanais niyang direct engagement sa mga Pilipino ay isa na sa kanyang mga sinisimulang paraan upang hindi lang magbigay ng komunikasyon kundi ng inspirasyon sa bayang sabik nang bumangon muli.

Related posts

Leave a Comment