‘DIRTY POLITICS’

KAPE AT BRANDY ni Sonny T. Mallari

PANAHON na naman ng eleksyon sa bansa ni Juan de la Cruz. Ngayong buwan ng Setyembre, magdadaos ng political conventions ang mga partido upang pumili o pormal na basbasan ang matagal nang hinirang na kandidato opisyal na isasalpok sa ibang kandidato.

At sa likod ng telon ay nagaganap na rin ang mga pagbabalak kung paano tatalunin ang kalaban. Kasama na rito ang “dirty politics” o ilegal na mga estratehiya at pag-iipon ng mga putik na ibabato sa mukha ng sinomang makatutunggali.

##########

Sa lalawigan ng Quezon ay nagsisimula na ang ganitong maruming praktika sa larangan ng pulitika.

Kamakailan ay nag-report si Governor Angelina “Doktora Helen” Tan sa kanyang Facebook account, na may mga bagong bukas na social media account na “minumura at sinisiraan ako habang nagpo-promote ng ibang politiko”.

Dagdag pa niya: “Mahaba-haba pa ang panahon bago ang eleksyon pero nagsisimula na sila tulad ng ginawa nila sa akin at sa buong pamilya ko noong unang laban ko”.

Marami ring mga pekeng Facebook accounts na nagpapanggap na si Tan ang nagsusulputan. Pawang naglalayon na lansihin ang publiko at siraan ang imahe ng gobernadora sa mata ng kanyang mga kalalawigan.

Bilang isang lehitimong taga-Quezon, nakalulungkot ang ganitong mga pangyayari sa larangan ng lokal na pulitika. Pero, hindi na ito nakapagtataka. Salamin ito ng mga katulad na kaganapan sa maraming parte ng bansa dahil malapit na nga ang eleksyon.

##########

Maraming Quezonian ang naniniwala na walang mangangahas na bumangga sa unang gobernadora sa lalawigan ngayong darating na eleksyon.

Ginimbal niya kasi ang buong Quezon nang talunin niya ang pamilya Suarez, isang kinikilalang political clan sa lalawigan, noong 2022 election.

Walang ibang karanasan si Tan sa pulitika noong 2022 maliban sa siyam na taon niyang panunungkulan bilang kongresista ng ika-apat na distrito.

Ngunit pinalayas niya sa kapitolyo si Danilo Suarez, ang tatlong taong nanunungkulang gobernador, matagal na kongresista ng ikatlong distrito at kinikilalang beteranong politiko sa lalawigan. Kung tutuusin ay halos 12 taon diretsong nasa kontrol ng mga Suarez ang kapitolyo dahil siyam na taong nakaupo bilang gobernador si David o “Jayjay”, bago siya palitan ng kanyang tatay na si Danilo.

Ngunit hindi lang basta pinadapa ni Tan ang mga Suarez noong nakaraang eleksyon. Sa kasaysayan ng eleksyon sa lalawigan, noong 2022 lang naganap na walang pinanalunan kahit isang bayan ang isang re-eleksyonistang gobernador. Sa 39 na bayan at dalawang siyudad sa lalawigan – Tayabas City at Lucena City – ay tinalo ni Helen si Danilo.

Hindi pa dito nagtapos. Sa bilang ng kanilang botong tinanggap, kahit doblehin ang boto ni Danilo ay talo pa rin siya ni Tan.

##########

Sa darating na eleksyon, bukod kay Tan at sa kanyang anak na si Atty. Mike na pumalit sa kanyang nanay bilang kongresista sa 4th district, may isa pa silang kapamilya – si Doc Kim (Dr. Keith Mikhal D.L. Tan) – na inaasahang sasabak din sa pulitika at babanggain si incumbent Congressman at House Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez sa 2nd district ng lalawigan.

Katulad ng kanyang nanay, makarisma rin sa publiko ang medical doctor na naglalayon din na pumasok sa pulitika upang mas malawak na makapaglingkod sa kanyang mga kababayan.

Muli kayang mangyari ang election debacle noong 2022 sa pagitan nina Helen at Danilo sa magaganap na salpukan ni Jayjay at Doc Kim?

Take note: Sa ngayon ay alyado ni Jayjay ang mga mayores ng 5 bayan sa distrito. Tanging si Lucena City Mayor Mark Alcala lang ang kasangga ni Doc Kim.

Marami ang nakaabang sa magigiging resulta ng 2025 congressional election sa 2nd district.

35

Related posts

Leave a Comment