DISKARTE NI MMDA GM ARTES SA PASAWAY NA RIDERS, AKMANG-AKMA

SA GANANG AKIN Joe Zaldarriaga

ISA sa pangunahing problema ng bansa ang matinding bagal ng daloy ng trapiko. Ilang administrasyon na ang nagdaan ngunit ang suliraning ito ay naririto pa rin. Hindi tuloy masisisi na mismong mamamayan na ang gumawa ng paraan upang hindi masayang ang kanilang oras at pagod sa pagkaipit sa trapiko sa pamamagitan ng paggamit ng motorsiklo.

Sa madaling salita, mismong ang lagay ng trapiko sa bansa ang nagtulak pataas sa demand para sa mga motorsiklo. Dahil marami ang nagnanais magkaroon nito, hindi naman masisisi ang mga kompanyang nagbebenta ng mga motorsiklo na samantalahin ang oportunidad na ito para kumita. Iba’t ibang mga promo ang inaalok ng mga kompanya. Karamihan nga sa mga ito ay nag-aalok ng opsyon na walang downpayment o paunang bayad na kailangan.

Kung tutuusin, hindi naman dapat ituring na problema ang pagdami ng mga mamamayang pinipiling gumamit ng motorsiklo. Ito ay nagiging isyu lamang dahil sa kakulangan ng disiplina ng marami sa mga ito. Kasabay ng pagtaas ng bilang ng mga gumagamit ng motorsiklo ay tumaas din ang bilang ng mga aksidente sa daan na kinasasangkutan ng mga ito.

Bilang tugon sa problemang ito, inanunsyo kamakailan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang plano nitong ilunsad ang Metro Manila Riding Academy. Layunin ng inisyatibang ito na pababain ang bilang ng mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga motorsiklo at gawing mas ligtas ang lansangan.

Sa ilalim ng proyekto, bubuo ang MMDA ng technical working group na gagawa ng komprehensibong kursong tatawaging Motorcycle Safety Training Course module para sa mga baguhan at beteranong rider ng motorsiklo. Bahagi rin ng kurso ang impormasyon ukol sa pag-iwas sa mga mapanganib na sitwasyon at ang pag-unawa sa panganib na dala ng paggamit ng motorsiklo. Ituturo rin sa nasabing akademya ang pagsasanay ukol sa emergency response para sa mga rider ng motorsiklo.

Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, ang Metro Manila Riding Academy ang magiging sentro ng edukasyon para sa mga gumagamit ng motorsiklo. Sa akin namang personal na opinyon, napakaganda ng inisyatibang ito ng MMDA dahil talaga namang hindi nawawala sa balita ang mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga motorsiklo. Kailangan na talagang disiplinahin ang mga ito.

Batay sa datos ng MMDA, nasa higit isang libong aksidenteng kinasasangkutan ng mga motor ang naitala mula Enero hanggang Agosto 2022 sa Commonwealth Avenue. Siyam dito ay nagresulta sa malalang pinsala sa rider habang 557 naman ang maituturing na minor na aksidente. Noong 2021, umabot sa halos 23,000 ang naitalang aksidenteng kinasasangkutan ng mga motorsiklo sa Metro Manila. Napakataas ng bilang na ito. Paano na lamang ang bilang sa buong bansa?

Sana hindi lamang sa Metro Manila magkaroon ng ganitong programa. Maging magandang ehemplo sana ang inisyatibang ito ng MMDA sa mga kinauukulan upang mapababa rin ang bilang ng mga buhay na nasisira at nasasawi dahil sa mga aksidente sa daan sa labas ng Metro Manila. Napakahalagang mabigyan ng impormasyon at mapaintindi rin sa mga taga-probinsya ang kahalagahan ng pag-iingat, pagkakaroon ng disiplina, at paggamit ng mga protective gear gaya ng mga helmet.

36

Related posts

Leave a Comment