DISMAYADONG INTRIGERO

HINDI na bago ang pagbaba sa pwesto ng mga taong itinalaga ng ­Pangulo. May mga pagbibitiw na bunsod ng ‘di kainamang kalusugan. Meron din naman na dahil hindi magawang palampasin ang isang magandang ­oportunidad.

Subalit kakaiba ang pagbibitiw ni Atty. Vic Rodriguez sa pangalawa sa pinakamataas na pwesto sa Palasyo. Aniya, hangad lang niyang makapaglaan ng oras para sa kanyang pamilya.

Sadyang mahalaga ang pamilya. Katunayan, kilala ang mga Pilipino sa mataas na antas ng pagpapahalaga sa pamilya. Subalit sa kasamaang ­palad, ­iniintriga nang bongga ang pagbibitiw ni Atty. Rodriguez bilang executive ­secretary.

Giit ng mga kritiko, palabas lang sa entablado ang tagpo sa Palasyo.

Susmaryosep!

Kung susuriin maigi ang pagbaba sa pwesto ni Atty. Rodriguez, malinaw na isang malaking sakripisyo ang trabaho ng isang executive secretary. Subalit higit pa sa hirap ng bigat ng trabaho ang sakripisyong ipinamalas ng de-kampanilyang abogadong nanatiling kasangga at kaibigan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. noong mga panahong walang pumapansin sa ngayo’y Pangulo.

Ang totoo, puntirya talaga si Atty. Rodriguez ng mga grupong target magsamantala sa gobyerno. Sila yaong lumutang lamang noong nakitang liyamado si Marcos sa bago pa man sumipa ang kampanyang kalakip ng nagdaang halalan noong nakalipas na Mayo.

Para sa ilang grupo, balakid sa kanilang maitim na plano ang pananatili ni Rodriguez sa Palasyo. Kaya naman ikinasa ang isang demolition job na kumaladkad kay Rodriguez sa mga bulilyasong wala naman siyang kinalaman.

Ang siste, bago pa man madamay ang Pangulo sa mga intrigang ipinupukol sa Palasyo, kusang-loob na lang siyang nagbitiw sa kanyang pwesto. Bagama’t umayon at tinanggap ng Pangulo ang kanyang pagbibitiw bilang executive secretary, minabuti ni Marcos na manatili sa Palasyo ang kanyang kasanggang abogado.

Ang resulta – nadismaya ang mga inggitero.

Bakit kamo? Dangan naman kasi mas mahihirapan silang magpalusot ng mga dokumentong nangangailangan ng pirma ng Pangulo dahil itinalaga siyang Presidential Chief of Staff sa mismong Office of the President.

Kabilang sa mga nakaatang na responsibilidad kay Atty. Rodriguez ang salain at rebisahin ang mga dokumentong isinusubo kay Marcos.

Isa lang ang malinaw. Hindi madaling bulungan ang Pangulo. Mas kilala niya si Atty. Rodriguez, kumpara sa mga inggiterong lumutang lang noong umupo na si Marcos sa Palasyo bilang ika-17 Pangulo ng ating estado.

6

Related posts

Leave a Comment