DOJ AT SI PNP CHIEF OSCAR ALBAYALDE

PRO HAC VICE

Bagama’t nasa ilalim ng Malacañang ang Department of Justice at si Justice Secretary Menardo Guevarra ay alter ego ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay ‘di naman sang-ayon si Sec. Guevarra sa naging pahayag ni PNP chief Oscar Albayalde na nakahanda nitong sundin si Pangulong Duterte kung ipag-uutos nito na arestuhin ang sinumang maghahain ng impeachment case laban sa kanya.

Sa panayam kay Sec. Guevarra sinabi nito na kailangan pa rin aniyang umiral ang rule of law.

At kung may aarestuhin man ay kailangan pa rin ang isang warrant of arrest na inisyu ng korte para maisagawa ang pag-aresto.

Paliwanag pa ng kalihim na sa kanyang pananaw ay hindi naman maituturing na isang unlawful act ang pag­hahain ng impeachment complaint laban sa isang nakaupong pangulo kung inaakala ng nagrereklamo na nakagawa ng isang malaking pagkakasala ang presidente.

Naku!? Baka lalong ganahan ngayon ang ibang kampo na magsampa ng impeachment complaint sa Mababang Kapulungan ng Kongreso laban kay Pangulong Duterte dahil na rin sa umano’y paglabag nito sa isinasaad ng Saligang Batas.

Samantalang ayon naman sa nakakulong na si Senator Leila de Lima na maaaring ipa-impeach si Pangulong Duterte dahil sa tatlong kadahilanan o kasalanan. Ito ay ang culpable violation of the Constitution, treason, at betrayal of public trust makaraang pa­yagan nito na makapa­ngisda ang mga Tsino sa ating exclusive economic zone.

Kaugnay naman sa usapin ng West Philippine Sea na nakasampa sa Korte Suprema ay nag-inhibit na itong si Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio sa pagpartisipa sa kaso.

Si Justice Carpio ay tahasan ding tumututol o pumupuna sa Duterte administration dahil sa malam­ya nitong paninindigan na ipaglaban ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.  (Pro Hac Vice / BERT MOZO)

116

Related posts

Leave a Comment