DOLLY DOMINGO NG AUCTION DIVISION, NAMUMURO NA!

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

INAKO na ni Robert Uy ng FR Agbay Enterprises at ­representative ng Association of Bidders of the Bureau of Customs (ABBC), ang pagre-release, pati na ang paghahatid ng ­balikbayan boxes ng mga tatanggap nito sa buong bansa.

Ito ang inanunsiyo ng Bureau of Customs sa isang presscon na ginanap kahapon. Napagkasunduan na sa bagong sistema, ang labing-anim na Allwin Containers ay hahawakan na nila Robert Uy, hindi lang ang pick-up kundi maging ang delivery. Samantalang ang delivery ng tatlong containers ng Kabayan Island Express Cargo (KIEC) ay papasanin pa rin ng Door-to-Door Consolidators Association of the Phils. (DDCAP)

Nagbigay ng update sa BOC ang DDCAP ukol sa delivery ng balikbayan boxes ng Kabayan Island Express Cargo at ayon sa kanilang report, may mahigit kumulang na dalawang daan kahon na lang ang kanilang ihahatid. Samakatuwid, hindi na aabutin ng dalawang linggo at matatanggap na ng recipients ang kanilang mga kahon.

Hindi na bago sa DDCAP ang maghatid nang libre ng mga ­abandonadong balikbayan box sa madaling panahon dahil isinasabay lang nila ito sa deliveries ng mga kahon ng kanilang mga kliyente.

Inabot lang ng halos tatlong linggo ang ginawang deliveries ng DDCAP sa mga laman ng pitong CMG Cargo containers na inabandona noong kunin nila ito ng Hulyo.

Kaya-kayang pantayan nina Robert Uy ang kakayahang ito ng DDCAP… abangan.

Marami na akong naririnig na kuwento ukol dito kay Dolly ­Domingo, ang head ng Auction Division ng BOC, ilang buwan palang ang nakararaan nang magsumbong sa akin si DDCAP President Joel Longares, na ipinagkakalat diumano nito na sila ay nagbebenta ng balikbayan boxes, partikular na ang CMG boxes na kanilang pinaghirapan na ihatid sa mga may-ari nito.

Ayon sa pangulo ng DDCAP, kumpleto sila ng mga dokumento na nagpapatunay na nai-deliver na lahat ang mga kahon na nabanggit at may sampung kahon na lang ang nasa warehouse nila na hindi mai-deliver dahil walang nakasulat na anomang impormasyon sa mga kahon.

64

Related posts

Leave a Comment