DOON SA AMIN SA SIERRA MADRE

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

NOONG bata ako, sikat na ­sikat ang kantang Sierra Madre ni Coritha, hindi lamang sa aming mga kabataan kundi maging sa nakatatanda sa amin dahil bahagi ang lugar namin sa Cagayan sa kabundukan ng Sierra Madre.

Napakalaking pasasalamat kasi namin sa Sierra Madre dahil kung wala ang kabundukang ito, matagal nang wash-out ang Lambak ng Cagayan sa mapa ng Pilipinas.

Nasa kabila lang kasi ng Sierra Madre ang Pacific Ocean kung saan nagmumula o nabubuo at nagpapalakas ang bagyo bago tumama sa kalupaan kaya malimit kaming dinadalaw ng bagyo.

Sabi nga ng Cagayanos, buti pa ang bagyo, hindi bababa sa 20 beses kaming dinadalaw kada taon, samantalang ‘yung mga ibinoto naming mga politiko sa national position, isang beses lang kada tatlong taon kung bumisita…para mangampanya pa.

Naging protektor namin ang kabundukang ito dahil bago lumapag ang bagyo sa valley ay nababasag na pagtama sa Sierra Madre pero kung wala ito, matagal nang wala sa mapa ang probinsya namin.

Hindi lang kami sa Cagayan ang nagpapasalamat sa Sierra Madre kundi ang mga lalawigan ng Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Nueva Ecija, Aurora hanggang ­Quezon Province at mahigit 540 kilometro ang haba nito na may lawak 16,260 km2.

Namulat kami na ang ­kabundukang ito ay naging ­taguan daw ng mga POGI o New People’s Army (NPA) kaya hindi ito basta-basta nararating ng mga tao dahil sa takot na may mangyaring masama sa kanila.

Pero habang kami ay nagkakaisip, parang panakot lang na taguan ito ng mga NPA, at ng illegal loggers na walang habas na nagpuputol ng mga puno sa kabundukang ito na nagiging dahilan ng sakuna kapag nagkaroon ng malakas na bagyo at ulan.

Open secret na balwarte ng illegal loggers ang Sierra Madre na ang pinupuntirya ay mamamahaling mga kahoy tulad ng narra at kamagong na marami sa kabundukang ito.

Dahil malayo sa mga ­pamayanan at hindi ­napapasyalan nang madalas ng mga awtoridad, malayang nakakapagputol ng mga punongkahoy ang illegal loggers kaya may mga pagkakataon na kapag bumaha, naaanod pababa sa Cagayan River ang mga pinutol na kahoy kapag hindi agad naibaba at naabutan ng bagyo.

May mga impormasyon din na kinokontrata ng illegal loggers ang mga katutubo na nakatira sa paanan ng Sierra Madre para pumutol ng punongkahoy at papalitan nila ng isang kabang bigas at sardinas ang bawat punong kanilang makukuha.

Kawawa ang mga katutubo dahil ang mga hindi raw nakikisama ay nalalagay sa panganib ang kanilang kaligtasan o kaya pinapalayas sila sa kanilang lugar ng armadong illegal loggers.

Hindi lang sa bahagi ng Cagayan nangyayari raw ‘yan kundi sa kahabaan ng Sierra Madre at ang mga punong ­ilegal na pinutol ay ibinababa sa Pacific Ocean para iwas huli.

Bakit nangyayari ‘yan? Dahil reactionary lang ang ­Department of Environment and Natural Resources (DENR), manghuhuli lang sila ng mga tablang ibinibyahe at hindi nanghuhuli ng illegal loggers na aktuwal na ­namumutol ng mga puno.

7

Related posts

Leave a Comment