Imbestigahan Natin
NAGWALA at sinigawan ng opisyal ng Department of Transportation (DOTr) ang mga kausap niya makaraang mapahiya sa isang transport group nang hindi mairehistro ang mga sasakyan nito.
Sa nakuhang impormasyon ng Saksi Ngayon, nagkaroon ng komosyon sa pulong na pinangunahan ng nasabing opisyal dahil sa nabigong uploading sa Land Transport Management System (LTMS) ng imported vehicle stock report inventory mula sa Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines, Inc.
Nagpaliwanag ang isa sa mga kasama sa meeting na hindi ma-upload sa LTMS ang report dahil sa kawalan ng Certificate of Stocks Reports mula sa Bureau of Customs (BOC).
Ibig sabihin, tinabla si bossing sa Bureau of Customs?
Dedepende raw kasi ang uploading ng system sa haba ng imbentaryo.
Sinasabing hindi tinanggap ng BOC ang mga transaksyong ipinasa sa kanila.
Kaya naman nagbalat-sibuyas si sir, nagalit at pinagsabihan ang mga bossing ng mga kontraktor na wala sa meeting, Ganun?
Binanggit din ng source na kasama sa meeting, na hindi maipinta sa galit ang mukha ng DOTr official dahil sobrang napahiya siya sa transport group.
Leksyon na ‘yan sir, ‘wag mo kasing pangunahan ang BOC, hindi porket opisyal ka ng DOTr ay kaya muna ang lahat pasunurin sa gusto mo.
Bukod sa mga ka-meeting ni DOTr official ay marami rin ang nakarinig na mga staff niya mula sa labas ng nabanggit na opisina kung saan nangyari ang pag-uusap.
Lumabas na ba ang tunay na ugali ni sir, kaya hindi na siya nakapagtimpi sa kanyang naramdaman kaya sumambulat na ang kanyang galit?
O baka naman may iba pang dahilan kaya nanggagalaiti siya sa galit? Magkano kaya?
Magkaiba kayo ng ahensiya, ang BOC ay nasa ilalim ng Department of Finance (DOF) na hindi n’yo basta-basta mapasusunod sa mga gusto n’yo.
oOo
Maaaring magsumbong sa pamamagitan ng text message sa cell# 0977-751-1840 o kaya mag-email sa joel2amongo@yahoo.com
134